2,469 total views
Gamiting basehan sa pagpili ng iboboto sa nalalapit na halalan ang mga kandidatong Magaling, Mabuti at Mabait.
Ito ang paalaala ni Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa may 60 milyong botante na makikibahagi sa halalan sa Lunes, ika-13 ng Mayo 2019.
Paliwanag ng Obispo, kinakailangan ng bansa ang pinunong may kakayahan sa posisyon na hinahangad; nagtataglay ng kabutihan bilang taga-sunod ng Panginoon at mabait o may malasakit sa kapwa.
“Kung walang kakayahan kahit gaano ka-gwapo, kahit gaano ka-popular ay huwag mo nang iboto. Kahit naman sa pagpili ng driver hindi mo pipiliin ang driver dahil lang sa gwapo kundi dahil sa marunong magmaneho,” ayon kay Bishop Bacani.
Binigyan diin ng Obispo na hindi dapat maluklok sa puwesto o iboto ang mga kandidatong magaling magnakaw, magaling magsinungaling at magaling pumatay.
“Dapat na mabuti, may prinsipyo, maka-Diyos. Kaya ito makakatulong, ihambing natin sa 10 utos ng Panginoon, baka nga magaling ‘yun pala ay magaling magnakaw, magaling magsinungaling, magaling pumatay.” paalala ng Obispo
Iginiit ni Bishop Bacani na dapat ding suriin ng mga botante sa mga kandidato ang paninindigan sa same sex marriage, divorce at death penalty.
Naunang naglabas ng panuntunan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines para sa mga botante sa nakatakdang 2019 midterm elections na may titulong ‘Seek the Common Good’.
Ang mga usapin na hindi katanggap-tanggap sa Simbahan ang pagsusulong na gawing legal ang abortion, divorce at same sex marriage.
PAGPAPATULOY NG VOTERS EDUCATION
Iminungkahi naman ni Bishop Bacani ang pagkakaroon ng tuloy-tuloy na voters education na dapat bigyang tuon ng simbahan mayroon man o walang halalan.
“Yung voters’ education should be continuing. Kanya ang aking mungkahi ano mang mangyari sa election na ito, tuloy ang voters education at gawing permanenteng parte ng pagtuturo sa ating mga katoliko. Sapagkat napakalaki talaga ng kakulangan sa pagtuturo nyan, hindi naikokonekta ng maraming katoliko ang kanilang pagiging mabuting katoliko sa pagiging mabuting mamamayan lalu na sa pagboto,” ayon kay Bishop Bacani.
Inamin ng Obispo na malaki ang kakulangan sa pagtuturo ng tamang pagpili ng iboboto na nakaugnay sa ating pananampalataya bilang mabuting mamamayan.
Iginiit ng Obispo na pangunahing dapat isaisip ng mamamayan ang prinsipyo ng common good o ang kabutihang pangkalahatan at hindi ang pansariling kapakinabangan.
Sa mga lumalabas na pag-aaral o political survey, nanatiling nangunguna ang mga pulitikong naharap sa kasong katiwalian, korupsyon at bahagi ng dinastiya.
Nilinaw naman ni Bishop Bacani na walang command voting ang charismatic group na El Shaddai sa ginawang pag-endorso sa may 12 kandidato.
Inihayag ng Obispo na ito ay pawang mga suhestiyon lamang at hindi utos na kailangan sundin ng bawat kaanib ng charismatic group.