419 total views
Hinamon ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang susunod na administrasyon na mas pagtuunan ang pagpapabuti sa sektor ng mga manggagawa.
Ito ang pahayag ng obispo matapos na maitala sa State of the Global Workplace: 2022 Report na ang mga manggagawang Filipino ang pinakanakakaranas ng stress sa trabaho sa buong Southeast Asia.
Ayon kay Bishop Mangalinao, marahil ang kawalang-katiyakan sa trabaho at hindi sapat na sweldo lalo na nitong coronavirus pandemic ang nagiging sanhi ng matinding stress ng bawat manggagawa.
“Stressed out na talaga ang mga manggagawa natin. Palagay ko, isa sa mga kadahilanan na sabihin natin na 24/7 na ang pagtatrabaho, binibigay na ‘yung dugo, pawis, at buhay. Kumbaga hindi pa rin umaangat ang kanilang buhay, hindi pa rin sumasapat ‘yung kita,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Sa nasabing 2022 Report, nanguna ang Pilipinas kung saan 50 porsyento ng mga manggagawa ang nakakaranas ng stress, kasunod nito ang Thailand na may 41 porsyento at pangatlo naman ang Cambodia na may 38 porsyento.
Kaya sinabi ni Bishop Mangalinao na malaking hamon ang kakaharapin ng bagong administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. upang mapabuti at matulungan ang mga higit na apektado ng kasalukuyang krisis.
“Isang malaking hamon sa panibaong pamahalaan kung paano talaga matutulungan itong mga manggagawa na wala namang hinihingi kun’di ‘yung tamang pamamalakad sa trabaho, tamang pagpapasweldo, at sabi nga tamang work environment,” ayon sa Obispo.
Hinihiling naman ng Obispo na nawa’y tuparin ng bagong administrasyon ang kanilang mga pangako at plataporma tungo sa ikabubuti ng lipunan lalo na sa mga manggagawa.
“Dalangin ko na makita ng panibagong administrasyon ang kanilang magagawa dahil sila ang nasa pwesto na lubhang makakatulong sa lahat ng ating mga manggagawa,” dagdag ni Bishop Mangalinao.