1,494 total views
Hinikayat ng Makabayan solon ang pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hayaang magsagawa ng imbestigasyon ang international criminal court sa drug war killing sa bansa gayundin ang pagiging kaanib ng pandaigdigang hukuman.
Ayon kay House Deputy Minority leader ACT Teachers partylist Representative France Castro, isa rin itong hakbang upang maenggganyo ang mga ‘investor’ sa Pilipinas.
“I along with other Makabayan bloc members urge the Marcos adminisration to change its mind on the probe and rejoin ICC, as this will also bolster President Marcos Jr’s bid to convince investors to come here.” ayon pa sa mambabatas.
Inihayag ni Castro na ang pagmamatigas ng pamahalaan sa ICC ay tila nangangahulugan na may pinagtatakpan ang gobyerno.
Iginiit ni Castro na dapat tingnan ng admnistrasyon na ang ICC investigation ay hindi pakikialam kundi ay makakatulong sa pagkukulang at kakulangan ng justice system sa bansa.
Unang pinuri ni Castro ang pagpayag ng ICC na muling buksan ang kaso kaugnay sa drug war na nagsimula noong 2016 sa ilalim ng dating administrasyong Duterte.
Nanindigan ang mambabatas na mahalagang matukoy at maparusahan ang mga responsable sa karahasan at mga pagpaslang upang makamit ng mga biktima ang matagal nang inaasam na katarungan.
Una na ring nagpahayag ng pakikiisa ang ilang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa pagbubukas ng imbestigasyon sa mga kaso ng pagpaslang upang mapanagot ang mga nagkasala.
Sa tala ng iba’t ibang human rights group, hindi bababa sa 20-libo katao ang naitalang napatay na may kaugnayan sa war against drugs ng pamahalaan.