200 total views
Nagpahayag ng suporta ang Promotion of Church Peoples Response (PCPR) sa pagtindig ng ilang Obispo laban sa mga marahas na pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa mga lingkod ng Simbahang Katolika.
Ayon kay PCPR Spokesperson Nardy Sabino, isang mahalagang salik para sa lipunang tila naliligaw na ng landas ang paninindigan ng mga Obispo upang maibalik sa kaayusan ang sambayanan na lubos na ang pagiging lantad sa karahasan, kasinungalingan at pagiging mapagkamkam ng mga sakim sa kapangyarihan.
Giit ni Sabino, mahalagang manindigan ang mga Obispo at iba pang lingkod ng Simbahan sa kanilang pagiging Moral Compass ng lipunan sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaalala at pagsusulong ng Ebanghelyo at Mabuting Balita ng Diyos.
“Welcoming po yan at nagagalak kami dahil ang mga Obispo natin ay tumitindig at nagpapakita po at nagpapahayag na sila ay moral compass na mahalaga dun sa isang bayan na mayroong nanliligaw, may isang pwersang malakas na pumapaimbabaw para iligaw yung liwanag, yung pananampalataya at ang patampukin ay yung pagpaslang, yung pagnanakaw at iba pa na mga nakasisira hindi lang sa pananampalataya kundi mismo dun sa pagkatao ng nilikha ng Diyos, dun sa mamamayan…” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandang, nagpahayag na ng pagkadismaya ang ilang mga Obispo sa mga serye ng pahayag ni Pangulong Duterte na tahasang nagsusulong ng karahasan sa lipunan partikular na ang paghikayat sa publiko na pumaslang ng mga lingkod ng Simbahan.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos -Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, maituturing na kahihiyan at kabiguan para sa bansa ang marahas na mentalidad ng pinakamataas na pinuno ng bansa.
Read: Pangulong Duterte, kabiguan at kahihiyan sa bansa
Hinamon naman ng isang friendly challenge ni Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mismong Pangulo na maglakad sa ordinaryong lansangan ng walang armas at walang body guards tulad ng karaniwan ng ginagawa ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko.
Read: Obispo, may friendly challenge kay pangulong Duterte
“Natutuwa kami dahil pinapakita ngayon ng ilang mga Obispo yung kanilang pagkadismaya, yung kanilang mga opinyon at yung paggabay sa mamamayan na kung nasaan dapat nakatindig yung mananampalata…” Dagdag pa ni Sabino.
Magugunitang sa mga nakalipas na buwan ay patuloy ang naging mga pahayag at talumpati ni Pangulong Duterte kung saan noong Disyembre ng nakalipas na taon ay una ng hinimok ng Pangulo ang publiko na paslangin ang mga Obispo dahil sa kanilang kawalan umano ng pakinabang sa lipunan habang noong ika-10 naman ng Enero sa kanyang panibagong talumpati sa Masbate ay hinikayat naman ni Pangulong Duterte ang mga tambay sa lansangan na holdapin at paslangin ang mga Obispo at Pari.
Sa ilalim ng Administrasyong Duterte umabot na sa 3 pari ang napaslang na hindi pa rin nabibigyang katarungan.
Ang una ay si Fr. Marcelito “Tito” Paez ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija noong ika-4 ng Disyembre ng taong 2017 na nasundan ng pagpaslang kay Rev. Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese of Tuguegarao noong ika-29 naman ng Abril 2018 at ang pinakahuli ay ang pagkakapaslang kay Rev. Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan, Nueva Ecija noong Hunyo rin ng nakalipas na taon.