176 total views
Iminungkahi ni dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz sa Duterte administration na tuluyang buwagin ang operasyon ng jueteng sa bansa.
Ayon kay Archbishop Cruz, kung hindi kayang sugpuin ng mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang jueteng ay mainam na magbitiw ang mga ito dahil nasasayang lamang ang suweldong ibinabayad sa kanila ng taumbayan.
Binanggit rin Archbishop Cruz na hindi dapat katakutan ni PCSO General Manager Alexander Balutan ang ilan sa mga malalaking opisyal sa pamahalaan na may kaugnayan sa jueteng dahil nasa panig nito ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Armed Forces of the Philippines.
“Para sa akin kung hindi nila kayang sugpuin ang isang bagay na iligal ay magbitiw sila. Sapagkat tumatanggap sila ng sweldo ng taumbayan para sa kanilang kabutihan. Kaya naman maraming tao na naloloko at marami namang barangay captain at mga gobernador na yumayaman dahil nga yung mga pobre, pinopobre pa. Mahirap na, niloloko pa.”pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Magugunitang nagsimula ang STL o small town lottery noong 2005 sa layuning wakasan ang jueteng kung saan kumita ng P3 Bilyon sa unang taon nito at nakapagbigay ng trabaho sa 62,500 katao.
Gayunman, sa halip na mabuwag ang jueteng sa pamamagitan ng STL ay lalo pang lumakas ang iligal na sugal.
Samantala, matagal nang tinutuligsa ni Archbishop Cruz ang lahat ng klase ng sugal sa bansa, kabilang na ang jueteng na hanggang ngayon ay talamak pa rin kahit mayroong lotto at Small Town Lottery na parehong pinatatakbo ng PCSO.