202 total views
Tiniyak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensiya maging sa Simbahan kaugnay sa kanilang panibagong mandato bilang sole agency o solong tagapangasiwa ng Anti-illegal Drug campaign ng pamahalaan sa buong bansa.
Ayon kay Derrick Carreon – Spokesperson ng PDEA, maaring direktang makipag-ugnayan ang Simbahan sa ahensiya kung saan handang makipagtulungan ito upang epektibong masugpo ang malawakang kalakalan ng ipinagbabawal ng gamot.
“There is such an organization already existing, the Ugnayan ng Barangay at Simbahan then makikipag-link-up po kami sa Barangay, palakasin natin ito or you can also directly coordinate with us, wala naman pong problema…“ pahayag ni Carreon sa panayam sa Radio Veritas.
Dagdag pa ni Carreon, nakatakda ring makipag-ugnayan ang PDEA sa Department of Interior and Local Government upang magkaroon ng mas malawak na saklaw sa mga barangay sa buong bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9165, itinatag ang Philippine Drug Enforcement Agency para pangalagaan ang integridad ng mga mamamayan lalo na ang kabataan mula sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot.
Batay sa pinakahuling tala ng PDEA noong Mayo nasa mahigit 4.7-milyon ang bilang ng mga gumagamit ng ilegal na droga sa bansa partikular ng shabu, marijuana, cocaine, ecstasy at solvent.
Una nang nagpahayag ng pagsuporta ang Simbahang Katolika sa layunin ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga, ngunit binigyang diing hindi nararapat na malabag ang anumang karapatan ng mga mamamayan higit sa lahat at kitilin ang buhay maging ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.