434 total views
Ang buhay ng mga bilanggo o mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) ay mahalaga sa kabila ng nagawang kasalanan.
Ito ang binigyang diin ni Legazpi Bishop Joel Baylon – Chairman ng CBCP-Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) sa online program ng kumisyon na ‘Narito Ako, Kaibigan Mo’ sa kahalagahan ng buhay ng bawat nilalang maging ng mga bilanggo.
Ayon sa Obispo, sa kabila ng mga kasalanan ay may bilang pa din ang buhay ng mga bilanggo na kapwa nilalang ng Panginoon.
Ipinaliwanag ni Bishop Baylon hindi nabubura ng anumang pagkakamali o kasalanan ang dignidad na kaakibat ng biyayang buhay ng Panginoon.
“Mahalaga sila (PDLs), may bilang sila kasi nga nilalang sila ng Panginoong Diyos, nagkamali man sila hindi nawawala yung dignidad na yun ng kanilang pagiging mga anak ng Diyos, may bilang sila.” mensahe ni Bishop Baylon.
Ikinalulungkot naman ng Obispo na marami pa rin ang isinasantabi ang mga bilanggo bilang bahagi ng lipunan.
Iginiit ni Bishop Baylon na nananatili ang dignidad ng buhay ng bawat nilalang na ipinagkaloob ng Panginoon at ang lahat ay binibigyan ng pagkakataon ng makapagsisi, makapagbalikloob at magbagong buhay.
“Hindi ko naman ito sinasabing isang statement of parang judgement kundi marami ang hindi na ang sa tingin ng mga nasa loob yung mga PDLs (Persons Deprived of Liberty) ay wala ng bilang, they have been condemned to this life in prison kaya nga hanggang ngayon there are efforts ibinalik na naman yung ano, ibinalik na naman yung death penalty sa gobyerno natin para parusahan yung nagkamali, of course nili-limit din nila yung sa heinous crimes, yung plunder, drugs mga ganun.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Bahagi ng panalangin ng Santo Papa Francisco ngayong buwan ng Setyembre ang pagbuwag ng bawat bansa sa parusang kamatayan.
Ayon kay Pope Francis, hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang pagkitil ng buhay ng sinuman maging ng mga napatunayang nagkasala at lumabag sa batas.
Sa Pilipinas, taong 2006 nang tuluyang isinantabi ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang death penalty sa bansa.