231 total views
Umaasa ang obispo ng Prelatura ng Isabela de Basilan na mabibigyang pansin ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kauna-unahang SONA o State of the Nation Address ang usapin ng peace and order sa Mindanao.
Ayon kay Bishop Martin Jumoad, sa mahigit 33 taon niya sa Basilan, paulit-ulit na lamang ang suliranin ng kaguluhan doon na resulta ng walang kinabukasan ng mga mamamayan doon.
Dagdag ng obispo, isa sa dapat lutasin ng Pangulo ang problema sa Abu Sayyaf Group na pangunahing naghahasik ng karahasan sa rehiyon sa pamamagitan ng kidnapping, mga pagpatay, pangingikil at iba pa.
“Unang una, bigyan niya ng pansin ang peace and order talagang yun ang problema dito sa Mindanao, pag may kaguluhan ang mga tao no future at all, I hope he would really focus on peace and order here in Basilan particularly to finish off the Abu Sayyaf… I have been here in Basilan for so many years, because of the presence of high armed groups particularly sa mga politician, let the SWS come to Basilan and make the survey, balik-balik na ito 33 years na ako dito, walang nangyayari parang sarsuwela na.” pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam ng programang Barangay Simbayanan sa Radyo Veritas.
Iginiit pa ng obispo na kinakailangan ang political will para malutas ang karahasan sa Mindanao gaya na lamang ng pagkumpiska sa mga matataas na kalibre ng armas lalo na ng mga pulitiko doon.
Pahayag pa ng obispo, kahit gaano kalaki ang ibigay na pondo ng national government sa Mindanao, walang magaganap na pagbabago dahil napupunta lamang ito sa iilan.
“Yung budget ginagawa na yun, pag malaki ang budget enjoy ang politicians, maski kahit magkano ang iba-budget ninyo, pag walang political will walang wala talaga yan, walang pagbabago.” Pahayag pa ng obispo.
Kinakailangan aniya na tapat at seryoso ang mga nanunungkulan na labanan ang karahasan sa Mindanao upang ganap itong malutas.
“Need natin the police must be sincere even the armed forces, pag wala ang sincerity to really accomplish walang mangyayari maski bilyon bilyon pa ibigay dito na pera pupunta lang sa mga politicians.” Ayon pa kay bishop Jumoad.
Dahil sa matagal ng kaguluhan sa Mindanao, mahigit na sa 60, 000 ang namatay at mahigit 2.5 milyon na ang Internally Displaced Persons o IDPs.
Una ng inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na hindi tugon ang pag-aarmas upang wakasan ang kaguluhan kundi sa mapayapang dayalogo ng magkabilang panig.