24,087 total views
Nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Council of Leaders for Peace Initiative (CLPI) na isang grupo ng mga indibidwal na bigyang prayoridad ang pagkakaroon ng ganap na kapayapaan sa bansa.
Ito ang panawagan ng grupo na kinabibilangan din ng ilang Obispo ng Simbahang Katolika sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr. sa ika-22 ng Hulyo, 2024.
Hinimok ng C-L-P-I ang pangulong Marcos na ilatag ang malinaw na posisyon at paninindigan sa pagsusulong ng kapayapaan sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo at negosasyon sa komunistang grupo upang matigil na ang labanan.
“On July 22, 2024. President Ferdinand R. Marcos, Jr., will deliver his third State of the Nation Address (SONA). As leaders who believe that a just peace is imperative for a better state of the nation, we call on the President in his SONA to make a clear and unqualified commitment to pursuing a peaceful, negotiated solution to the long-running armed conflict that has claimed the lives of thousands of Filipinos from both sides.” pahayag ng CLPI.
Pinuna din ng Council of Leaders for Peace Initiative (CLPI) ang paglalaan ng pondo ng pamahalaan sa all-out war policy laban sa komunistang grupo sa halip na pagtuunan ang pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyong panlipunan tulad ng pangkalusugan, edukasyon, abot-kayang pabahay at mga programa sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Nanawagan ang CPLI sa pangulong Marcos na ituloy ang peace talks sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na siyang umbrella organization ng CPP-NPA.
Umaapela din CLPI sa tuluyang pagpapalaya sa mga NDFP peace consultant na kabilang sa mga unang nakadayalogo ng panig ng pamahalaan.
Ang Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) ay isang grupo ng mga indibidwal mula sa magkakaibang larangan at kadalubhasaan na kinabibilangan ni Cebu Archbishop Jose Palma at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na siya ring National Director ng Caritas Philippines.
Unang binigyang diin ni Pope Francis na hindi kailanman makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng armadong sagupaan kundi sa isang payapang dayalogo at pagkakasundo