364 total views
Sa ating bansa, ang ordinaryong pedestrian ay hindi ginagalang sa kalye. Makikita natin ito mismo sa ating mga nakagisnang gawain at kultura. Halimbawa, diba jeep ang dati nating tinatawag na hari ng kalsada? Ngayon naman, ang motorsiklo na ang hari ng daan.
Sa unang tingin, maganda sana na ang mga pampublikong modes of transportation gaya nito ang siyang nangunguna sa kalye. Sila ang pangunahing mga sasakyang ginagamit ng ating mga pedestrian. Dahil sila ang nangunguna, aakalain mo na prayoridad na ang ordinaryong mamamayan dahil ang mga murang modes of transportation ang nauuna. Pero kapanalig, suriin nga natin ng mabuti – ang mga pedestrians ba sa ating bayan ay tunay na prayoridad sa ating mga lansangan?
Tingnan na lamang natin ang ating mga kalye. Kapanalig, lahat ba sila ay may pedestrian lane? Kung meron man, angkop ba ang lapad at haba para ligtas at komportable ang paglalakad ng mga tao? Sa panahon ngayon na mas marami ang nais maglakad dahil sa kahirapan makipag-unahan sa mga pampublikong sasakyan, sa pagtaas ng presyo ng langis, at pag-iwas sa sakit, nakakalakad ba ng maayos at ligtas ang mga pedestrians?
Natitiyak din ba natin ang ligtas at maayos na pagtawid ng mga mamamayan sa ating mga lansangan? Hindi ba’t pati ang mga foot bridges na nakalaan sa kanila ay parang mga balakid pa. Sa halip na gawing mas walkable at kaaya-aya ang ating mga syudad, marami sa ating mga footbridges ang lubhang mataas at makitid para sa mga mamamayan, lalo na sa mga seniors at sa mga nanay na may dala-dalang pang mga anak. Napakahirap kapanalig umakyat sa mga ito, lalo na kung marami kang dala. Marami ring mga footbridges ang walang ilaw kapag gabi kaya’t marami ang natatakot na maholdap kada tatawid.
Kapanalig, ilan lamang yan sa mga realidad sa ating kalye na nagpapakita na hindi tunay na prayoridad ang mga naglalakad pagdating sa road planning sa ating bansa. Sa mga ehemplo na ito, na ang road development sa ating bansa ay pabor at nagpaparami pa ng mga sasakyan sa lansangan, imbes nag awing pedestrian-friendly ang ating lipunan.
Ang ganitong sitwasyon ay nakakalungkot, at sa totoo lang, mapang-api. Hindi ito pro-poor. Hindi ito pro-environment. Sinusulong nito ang development o kaunlarang nakasentro sa makina, hindi sa tao. Mali ito. Pinapa-alalahanan tayo ng Sollicitudo Rei Socialis, “Peke ang ating pag-unlad kung ito ay binubuo lamang ng simpleng akumulasyon ng kayamanan at ng mas maraming kalakal at serbisyo, pero ito naman ay nakakapinsala sa masa, at walang angkop na pagsasaalang-alang para sa panlipunan, kultura at espirituwal na dimensyon ng mamamayan.” Sa pagsulong kapanalig, dapat laging tao ang mauuna.
Sumainyo ang Katotohanan.