3,196 total views
Mga Kapanalig, katulad ng ibang pagdiriwang sa ating bansa—gaya ng Pasko at Bagong Taon—basura din ang iniwan ng paggunita ng mga Katoliko sa mga Mahal na Araw.
Taun-taon na itong napapansin ng environmental group na EcoWaste Coalition. Tadtad ng tambak ng basura hindi lamang ang paligid ng mga dinudumog na simbahan kundi pati sa mga daanan patungo sa mga ito. Natapos ang Semana Santa na namumutiktik sa basura ang simbahan ng Quiapo sa Maynila, Divine Mercy Shrine at Our Lady of Lourdes Grotto Shrine sa Bulacan, at Our Lady of Grace Shrine sa Caloocan City. Ang mga nag-alay-lakad paakyat sa Antipolo Cathedral ay nag-iwan ng sandamakmak na basura sa mga dinaanan nila.
Karamihan sa mga basurang kinolekta ng mga trak ng munisipyo ay plastic gaya ng mga pinagkainan, kutsara’t tinidor, lalagyan ng inumin, at pambalot ng kandila. Dinadagdagan ng mga mananampalataya—at ng mga nakikiuso lang—ang kalbaryo ng kalikasan. Ano na ang nangyari sa kasabihang “cleanliness is next to godliness”?
Lumabas sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2021 na ang ating bansa ay nagtatapon ng 2.7 milyong toneladang plastic waste taun-taon! Siguradong dumarami ang mga ito tuwing may mga espesyal na okasyon, gaya nga ng mga Mahal na Araw. Nasa 20% ng basurang ito, dagdag pa ng report, ang inaagos sa mga kanal, estero, at ilog hanggang sa makarating sa dagat. Dito sa Metro Manila, kung hindi nahaharang, ang basura ay nakararating sa Lawa ng Laguna o sa Manila Bay. Lumilikha ang mga ito ng lumulutang na dumpsite sa karagatan. Isipin na lang ninyo na ang katas ng mga basurang ito ay humahalo sa tubig sa beach na pinuntahan o pupuntahan ninyo para ibsan ang napakatinding init ng panahon. Ang mga plastic na hindi nakokolekta ay haharang naman sa mga daluyan ng tubig, at kapag tag-ulan, siguradong baha ang ating daranasin.
Kaliwa’t kanan naman ang mga cleanup drive ng iba’t ibang grupo. Nariyan pa nga ang mga kasali sa programang TUPAD na walis nang walis kung saan-saan. Tungkulin naman ng mga lokal na pamahalaan na kolektahin ang mga basura sa mga bahay-bahay. Pero kulang ang mga ito. Nakaugat ang krisis natin sa plastic sa paraan ng pagkonsumo nating mga tao. Nasa kaibuturan natin ang kailangang baguhin. Walang cleanup drive o koleksyon ng trak ang sasapat kung iresponsable tayo sa pagtatapon ng ating basura.
Nakalulungkot na maging sa isang banal na okasyon para sa ating mga Katoliko—katulad ng Semana Santa—lumilitaw ang ating pagiging iresponsableng tagapangasiwa ng mundong ibinigay sa atin ng Diyos. Kitang-kita ang tinatawag ni Pope Francis na “throwaway culture”, isang pamumuhay kung saan ang mga bagay ay itinatapon na lang natin kapag ayaw na natin o napakinabangan na. Kasama sa mga ito ang maraming bagay na gawa sa plastic.
Oo, ginhawa ang dala sa atin ng paggamit ng plastic—hindi na natin kailangang maghugas ng mga pinakainan natin, may magaan tayong paglalagyan ng inumin, at hindi agad masisira ang anumang ibinabalot natin sa plastic. Pero perwisyo ang dala nito sa pangmatagalan, lalo na kung hindi tayo magiging responsable sa paggamit nito. Nasisira ang kalikasan. Nahahalo na sa tubig ang tinatawag na microplastic. Nakakain ito ng mga tao at hayop, at banta ito sa kanilang kalusugan. Nagdudulot ito ng baha. Mahaba ang listahan ng negatibong epekto ng plastic.
Mga Kapanalig, gawin nating okasyon ang mga pagdiriwang natin sa Simbahan para parangalan ang ating Panginoon. “Huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong tinitirhan,” paalala sa atin sa Mga Bilang 35:34. Kung hindi natin ito gagawin, peke ang sakripisyong ginagawa natin tuwing mga Mahal na Araw. Muli, cleanliness is next to godliness.
Sumainyo ang katotohanan.