287 total views
Pinuri ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice-President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, ang pelikulang “An Interview with God”.
Ayon sa Obispo, napakaganda at malikhain ang ipinakitang konsepto sa pelikula kung saan naipakita ang tunay na katanungan ng mga pangkaraniwang tao at ang mga suliraning pinagdadaanan ng bawat indibidwal.
“I didn’t expect it to be exciting, akala ko makakatulog ako pero it was really gripping, napaka imaginative nung nag produce noon, because he was able to put in yung mga tunay na questions ng mga tao ngayon.Siguro kung may Filipino version n’yan that would be nice.” pahayag ng Obispo.
Dagdag pa nito, isa sa karaniwang suliranin na naipakita sa pelikula ay ang depresyon na kinakaharap din ng napakaraming tao.
Kasama na ang kawalang pag-asa, ang pagtanggi sa pangangailangan nito ng tulong, at ang pagkabulag ng tao sa pagmamahal na ipinakikita at ipinadarama ng Diyos.
“Sa sitwasyon natin ngayon, napakaraming mga tao who are going through depression, nawawalan ng pag-asa sa buhay na walang duda kailangan nila ang Diyos. Pero kung minsan kailangan nilang aminin na kailangan nila ang Diyos. Kung minsan ang tao nagkukunwaring, “kaya ko naman, ganun ang dating ng mama dun sa pelikula. Ang Diyos na yung nangungulit, “nandito ko para sayo”, tapos pilit n’yang ini-snob yung Panginoon,” paliwanag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dahil dito, ipinaalala ni Bishop David na tulad din ng ipinakita sa pelikula ay tunay na laging nariyan ang Panginoon para sa bawat tao.
Sinabi ng Obispo na kinakailangan lamang na matuto tayong makinig at makita ang mga senyales na ipinamamalas ng Diyos at magising sa katotohanan kung saan tayo nais dalhin ng Panginoon.
“Nand’yan lang ang Panginoon – He cares. May mga moments of awakening din at yun ang tuwang-tuwa ako kung papaano n’ya dinala doon sa “this is a sign.” Awakening na, napakabulag ko naman, ito pala, dito pala N’ya ako dinadala, and I keep running away from Him.” Dagdag pa ng Obispo
Ang ipinalabas na “An Interview with God” sa Cinema 6 ng Trinoma Mall Quezon City ay Special Screening na bahagi ng nalalapit na gintong anibersaryo ng Radio Veritas sa taong 2019 sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng himpilan sa Pioneer Films.
Kabilang sa mga dumalo sa special screening sina Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Radio Veritas Vice President Father Bong Bongayan, Radio Veritas Vice President for Operations Father Roy Bellen, at Veritas Asia General Manager Father Vic Sadaya.