395 total views
Nagsagawa ng ‘Penitential Walk for Protection against COVID-19’ ang mga lingkod ng Simbahan ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa, Palawan.
Ang isinagawang Penitential Walk ng Bikaryato na pinangunahan ni Puerto Princesa, Palawan Bishop Socrates Mesiona noong ika-13 ng Agosto, 2021 ang nagsilbing pangwakas na gawain para sa annual 4-day retreat ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa clergy na nagtapos sa pamamagitan ng isang Banal na Misa sa Immaculate Conception Cathedral.
Sa pagninilay ni Bishop Mesiona, ibinahagi ng Obispo na layunin ng isinagawang Penitential Walk ng mga Pari ng bikaryato na magsumamo para sa habag, awa at pag-ibig ng Panginoon sa banta ng COVID-19 sa buhay ng bawat isa.
Ayon sa Obispo, isa ring paraan ang isinagawang penitential walk at pananalangin ng Santo Rosaryo upang humingi ng pagpapatawad sa mga pagkakasalang nagawa ng bawat isa at mapagpakumbabang humingi ng awa sa Panginoon upang mawakasan na ang COVID-19 pandemic.
“Ang purpose po ng penitential walk na yun ay humingi sana tayo sa Panginoon na kaawaan, kabahagan at he will intervene para matigil na po itong pandemic na ito kasi medyo matagal na po, mahigit dalawang taon na po tayong nandito sa pandemyang ito sanhi ng COVID-19. Tayo po ay nagpapakumbabang nagmamakaawa sa ating mahal na Panginoon na sana ay tulungan niya tayo para matigil na ang pandemyang ito, para makabalik na tayo sa ating normal na buhay,” pagninilay ni Bishop Mesiona.
Nilinaw naman ng Obispo na para sa kapakanan at kaligtasan ng publiko mula sa COVID-19 ang hindi pagpapahintulot ng bikaryato sa mga mananampalataya na makisama at makilahok sa isinagawang Penitential Walk lalo na sa paglalakad at pagdarasal ng Santo Rosaryo.
“Hindi na po namin inopen yung penitential walk sa public kasi alam namin na kapag inopen yan sa public ay mas marami siguro ang sasama at kung marami ang sasama baka mapuna tayo na nag-expose the people to the danger of getting sick of COVID-19,” dagdag pa ni Bishop Mesiona.
Bilang pag-iingat mula sa banta ng COVID-19 pandemic at pagsunod sa mga ipinatutupad na safety health protocol ay hinati rin sa dalawa ang retreat ng mga lingkod ng Simbahan ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa kung saan ang iba ay nasa central part ng Bikaryato habang ang iba naman ay nasa southern part.
Matatandang una ng nagsagawa ng Penitential Service ang Archdiocese of Manila noong unang araw ng Hunyo at Diocese of Borongan noong ika-20 ng Hulyo ng kasalukuyang taon bilang patuloy na pagsusumamo at paghingi ng gabay sa Panginoon mula sa iba’t ibang hamong kinakaharap ng lipunan partikular na mula sa COVID-19 pandemic.