376 total views
Hinimok ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mananampalataya na makiisa sa isasagawang ‘day of prayer and fasting’ bilang patuloy na paghingi ng gabay sa Panginoon mula sa iba’t ibang hamong kinakaharap ng lipunan.
Sa pastoral instruction ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, sinabi nitong ito ay pagdulog sa habag at awa ng Panginoon dahil sa patuloy na naranasang pandemya at paghahanda sa pagtanggap sa bagong pinunong pastol ng arkidiyosesis ngayong Hunyo.
Itinakda sa unang araw ng Hunyo ang araw ng pananalangin at pag-ayuno bilang pasimula sa buwan ng Kabanal-banalang puso ni Hesus.
“I invite you all to join in a day of prayer and fasting during which we implore God’s mercy on us. It will be on June 1, the beginning of the month of the Sacred Heart, and for us in the Archdiocese, the month that we will receive our new archbishop,” bahagi ng pastoral instruction ni Bishop Pabillo.
Dahil sa limitasyong dulot ng pandemya hinikayat ni Bishop Pabillo ang bawat mananampalataya na makiisa sa pamamagitan ng online livestream sa bawat tahanan, tanggapan at sa mga lugar na pinagtatrabahuan habang pangungunahan ng mga pari at religious leaders ang nasabing gawain.
Alas 8:30 ng umaga magtitipon ang mga pari ng arkidiyosesis sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church para sa communal penitential service kung saan dudulog sa sakramento ng pangungumpisal ang mga lingkod ng simbahan.
“We priest also admit our failures during this year of pandemic. We may not have been courageous enough in encouraging the flock, not creative enough in serving those in need, not prayerful enough for the sake of our people. We are sorry,” ani Bishop Pabillo.
Magsasagawa ng penitential walk ang mga pari mula Quiapo Church patungong Sta. Cruz Church kung saan sama-samang ipagdiwang ang Banal na Eukaristiya at ipanalangin ang intensyon ng sambayanan, ang paghilom ng mundo at pagkakaisa ng lipunan.
Hinimok ni Bishop Pabillo ang mga pari ng arkidiyosesis na makiisa sa gawain sa kapakinabangan ng mananampalataya sa tulong at gabay ng Banal na Espiritu.
Sa hapon ng Hunyo 1 hinikayat ang mga parokya na magsagawa ng Banal na Misa sa intensyon ng kapatawaran ng mga kasalanan at paghilom ng daigdig mula sa nakakahawang sakit.
Umaasa si Bishop Pabillo na patuloy ipagdasal ng mananampalataya ang bawat lingkod ng simbahan upang maging tunay at tapat na lingkod ng Panginoon na isinasakatuparan ang misyon ni Hesus.