358 total views
Binigyang diin ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na tanging mga Pari lamang ng Archdiocese of Manila ang kabilang sa Penitential Walk sa unang araw ng Hunyo na idineklara din bilang ‘Day of Prayer and Fasting’ sa arkidiyosesis.
Ayon kay Rev. Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church hindi pahihintulutan ang pagsama at pakikilahok ng mga mananampalataya lalo na sa paglalakad mula sa Simbahan ng Quiapo patungo sa Sta. Cruz Church.
Inihayag ni Fr. Badong na ang mga Pari ng arkidiyosesis ang magsisilbing kinatawan ng mga mananampalataya mula sa iba’t ibang mga parokya upang hingin ang habag at awa ng Panginoon mula sa iba’t ibang hamong kinakaharap ng lipunan.
Pagbabahagi ni Fr. Badong na isa rin itong paraan upang maiwasan ang ipinagbabawal na pagsasagawa ng mga public gathering kabilang na ang prosisyon na maaring maging dahilan ng pagkalat ng COVID-19 virus.
“Linawin lang po natin, ito po ay gagawin pangungunahan ng mga Pari hindi po pupwedeng sumama ang mga tao sa prosisyon o sa paglalakad para po hindi tayo masita na parang nangunguna tayo sa pagsuway, sa paglabag ng protocol kasi sabi nga po walang prosisyon so ito po ay hindi prosisyon kundi maglalakad lang po ang mga Pari papunta dun sa Sta. Cruz Church.” pahayag ni Fr. Douglas Badong sa Radio Veritas.
Nilinaw rin ni Fr. Badong na ang nakatakdang gawain ay walang kinalaman sa politika o hindi isang political rally sa halip ay isang paraan ng Simbahan upang higit na maipaabot sa Panginoon ang pagsusumamo upang mawakasan na ang COVID-19 pandemic na nagdudulot ng malawakang krisis sa buhay ng bawat isa.
Gayunpaman inihayag ng Pari na kabilang sa panalangin ng Simbahan ay ang kaliwanagan ng isip ng bawat opisyal ng bayan upang makapagdesisyon ng para sa ikabubuti ng sambayanan.
“Hindi po ito political rally, ito po ay penitential walk wala po itong kinalaman sa [politika] syempre kasama sa panalangin natin ang lahat ng lider na maging malinaw ang desisyon pero higit sa lahat ito po ay pagdulog sa Diyos na tayo po ay tulungan na makayanan natin at malampasan yung pinagdaraanan natin dulot ng pandemic, so hindi ito political rally.” Dagdag pa ni Fr. Badong.
Unang inihayag ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na mayroong pahintulot ang nakatakdang gawain ng arkidiyosesis mula sa pamahalaang lungsod ng Maynila kung saan batid ni Manila City Mayor Francisco Domagoso na tanging mga Pari at relihiyoso lamang ng Archdiocese of Manila ang kabilang sa gawain.