195 total views
Nagtagumpay at patuloy na magtatagumpay ang simbahan sa kabila ng pagkawasak ng St. Mary’s Cathedral na kilala rin bilang Mary Help of Christians at Cathedral of Maria Auxiliadora sa lungsod ng Marawi.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin dela Peña, patuloy ang mga mananampalataya sa pagbangon sa kabila ng kaguluhan at iniwan nitong pinsala sa komunidad.
“In fact, in the middle of the crisis malakas ang aming pangamba na baka sila ay wala na, but milagro ang nangyari at bukod sa nakita natin ang lakas ng kalaban natin, nung kaaway at kung ano ang kaya nilang gawin. Sa wakas, hindi naman sila nanalo. God does not allow them to win the war. Tayo pa rin ang nanalo. Tayo pa rin ang mga taong naghahanap ng tunay na kapayapaan ang nanalo sa gulo na ‘yon,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Ayon sa Obispo, ipagdiriwang ng mga katolikong kristyano ng Marawi ang Pentecost Sunday sa San Tomas de Villanueva – ang kanilang pansamantang katedral kung saan naruon ang upuan ng Obispo.
Paliwanag ni Bishop Dela Peña ang Pentecost ang araw na ang simbahan ay itinatag na nabiyayaan ng ‘Banal na Espiritu’ upang magawa ang misyon at ang patuloy na paglago sa pananampalataya.
“We became one community of disciples of Jesus through the descent of the Holy Spirit na biniyayaan tayo. We were empowered, hanggang sa ngayon empowered tayo ng Holy Spirit. The spirit of God empowered us upang maipagpatuloy nating ang ating misyon, yun ang Pentecost Sunday, a continuous to be celebrated because ito ay pagpapakilala o pagtatanaw ng pagkilala natin na tayo’y nabubuhay dahil sa tulong at biyaya ng Espiritu Santo,” pahayag ng Obispo.
Ayon sa Obispo, ang ipinagdiriwang ay ang simbahan bilang mga mananampalataya at hindi ang istrakturang bato o mga parokya na nagsisilbing dalanginan.
Paliwanag pa ni Bishop Dela Peña; “So structures come after people, after community at minsan tinatawag na rin natin na siya na simbahan. Although ang simbahan talaga at church is the people of God. Simbahan dahil extension ‘yan. Nandiyan yung ating pinahahalagahan sa istraktura na tinatawag nating simbahan. The real church is breathing, growing Christian community, ‘yun ang simbahan,”
Ang St. Mary’s Cathedral ay itinayo noong 1934 ay nasira sa nagdaang digmaan matapos ang pag-atake ng mga teroristang grupo noong May 2017 lalu’t ang simbahan ay matatagpuan sa ‘ground zero’ o sentro ng bakbakan sa pagitan ng mga terorista at ng mga sundalo.
Nagtapos ang digmaan makaraan ang limang buwan na nag-iwan ng labis na pinsala sa lungsod, higit din sa 1,000 katao ang nasawi kabilang na ang mga terorista, sundalo, pulis at mga sibilyan.
Ngayon taon, naghahanda na rin ang lungsod sa paggunita ng unang taon ng ‘Marawi Siege’ at inaasahang magtitipon ang mga Kristiyano kasama ang mga Muslism sa kapistahan ng Mary Auxiliadora sa May 24- bagama’t ang pag-atake ay nagsimula noong May 23.
Ang Marawi ang natatanging Islamic City sa Pilipinas na binubuo ng 96 na barangay na may higit sa 300,000 populasyon kung saan may 90 porsiyento ang mga Muslim.
Habang ang Prelatura ng Marawi ay binubuo ng pitong parokya na may pitong mga pari na nangagasiwa sa may higit 30,000 mga katoliko.