181 total views
Inaanyayahan ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang mananampalataya sa Diyosesis na makiisa sa isasagawang Pentecost Vigil sa darating na ikawalo ng Hunyo.
Ito ay gaganapin sa St. Lawrence Deacon and Martyr sa Balangiga, Eastern Samar, ang parokyang pinagluklukan ng makasaysayang mga kampana sa bansa.
“Inaanyayahan ko po ang lahat na makiisa sa pentecost vigil celebration sa June 8 dito sa parokya ni San Lorenzo Deakono at Martyr sa bayan ng Balangiga,“paanyaya ni Bishop Varquez.
Ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes ay ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika makaraan ang limampung araw ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Ito ay mahalagang pagdiriwang sa pananampalatayang Kristiyano sapagkat ito ang paggunita sa pagbaba ng Banal na Espiritu sa mga alagad ni Hesus.
Makasaysayan din ang pagdiriwang ng Pentekostes para sa parokya ng San Lorenzo Diakono at Martir matapos muling iniluklok ang tatlong kampana makalipas ang 117 taon nang kunin ito ng mga sundalong Amerikano.
Ika – 15 ng Disyembre ng ibalik ang tatlong kampana sa nasabing Simbahan kung saan muling napakinggan ng mamamayan sa lugar ang pagtunog ng mga kampana.
Ala una nang hapon magsisimula ang pagtitipon sa parokya kung saan kabilang sa mga gawain na itatampok ang mga pagbabahagi para sa Year of the Youth na ibibigay ni Fr. Jan Ian Brylle Callera at Fr. Ryan Janelle Salvacion.
Ika – 8:30 ng gabi naman ang pagtatanghal at pagtatanod sa Banal na Sakramento kasabay ang pagpapakumpisal sa mga dadalong mananampalataya habang ganap na ikasampu ng gabi ang pagdiriwang ng Banal na Misa para sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes na pangungunahan ni Bishop Crispin Varquez.
Ito na ang ika-31 taong sama-samang pagsalubong ng Diyosesis sa Pentekostes kung saan dinadaluhan ng mahigit sa 3,000 mananampalataya.