499 total views
Mga Kapanalig, hindi katulad ng pera ng mga pribadong kompanya at organisasyon, malaking bahagi ng perang pinangangasiwaan ng gobyerno ay mula sa binabayaran nating buwis. Obligado tayong magbayad ng buwis kapag tayo ay may kinikita mula sa ating mga rehistradong negosyo o kabuhayan. Kaltas din agad ang buwis sa tuwing matatanggap nating mga manggagawa ang ating sahod. Sa ating mga mamimili rin ipinapasa ang buwis sa mga binibili nating produkto at tinatangkilik na mga serbisyo. Lahat ng buwis mula sa mga mamamayan ay tinitipon ng gobyerno para gamitin naman sa mga serbisyo publiko, mga imprastraktura, at mga programang pakikinabangan dapat ng mga nagreretiro at ng mga higit na nangangailangan.
Kaya walang dapat pagtatalo kapag inuungkat natin kung saan planong gamitin o saan ginamit ang perang ipinagkatiwala natin sa pamahalaan. Pera natin ‘yan!
Ang pagbubusisi sa badyet na ipinagkakaloob sa mga ahensya ng gobyerno ay trabaho ng ating mga mambabatas. Bahagi iyan ng tinatawag nating checks and balances sa mga sangay ng pamahalaan. Tinitiyak ng mga itong ang mga sangay ng gobyerno ay hindi lumalampas sa kapangyarihang itinakda sa kanila ng Saligang Batas. Sa usaping badyet, nakaatang sa lehislatura ang pagpapasá ng pambansang badyet, pero bago ito gawin, kailangan munang humarap sa mga mambabatas sa Mababang Kapulungan at sa Senado ang ehekutibong sangay ng gobyerno upang ipaliwanag upang kung bakit kailangan nila ang hinihiling nilang pondo.
Ang malungkot, naging kalakaran na sa mga mambabatas natin ang magbigay ng tinatawag na “parliamentary courtesy.” Kung pinapanood ninyo ang balita nitong mga nakaraang linggo, bukam-bibig ang parliamentary courtesy ng mga mambabatas na tumalakay sa inihaing badyet ng opisina nina Pangulong Bongbong Marcos at Bise-Presidente Sara Duterte. Hindi na nila binusisi ang panukalang pondo ng opisina ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa bilang paggalang daw sa kanila. Para din daw hindi sila ipahiya.1
Sa pagbibigay ng parliamentary courtesy na ito, nawalan ang taumbayan ng pagkakataong alamin kung bakit gusto ng dalawang opisinang ito na ilagak ang ating buwis sa tinatawag nilang confidential and intelligence funds. Sa ilalim kasi ng 2024 National Expenditure Program, humihiling ang Office of the President ng halos limang bilyong pisong confidential at intelligence funds. Ang Office of the Vice President naman ay gusto ring humingi ng kalahating bilyong pisong confidential funds.2 Dahil nga confidential, hindi ito dadaan sa standard procedures ng Commission on Audit (o COA) na may mandatong suriin ang mga pinansyal na transakyon ng gobyerno. Ang COA ang nagtitiyak na alinsunod ang paggastos sa pera ng bayan sa mga alituntunin at mga batas. Salamat sa parliamentary courtesy, mabilis pa sa alas kuwatrong nakuha nina PBBM at VP Sara ang kanilang confidential and intelligence funds mula sa buwis sa pinag-ambag-ambagan natin.
Mula sa lente ng panlipunang turo ng ating Santa Iglesia, obligasyon ng gobyernong itaguyod ang kabutihang panlahat o common good, at kaakibat nito ang pagtiyak na ang lahat ng ginagawa nito ay hindi sumisira sa tiwalang ibinibigay ng taumbayan. Kung mahalaga ang tiwalang ito, hindi ba dapat bukás ang ating mga lider na ipaalám sa atin kung saan nila gagamitin ang perang galing sa atin? Kung wala silang itinatago, hindi ba dapat matapang silang makasasagot sa mga nagtatanong ng karagdagang detalye sa kanilang panukalang badyet? Hindi ba ang mas dapat bigyan ng courtesy o paggalang ng mga bumubusisi ng badyet ay ang taumbayang nagbabayad ng buwis?
Mga Kapanalig, ang nais ng Panginoon sa atin, wika nga sa Mga Awit 51:6, ay “isang pusong tapat”. Katapatan din sana ang hanapin natin sa ating mga lider na humahawak at bumubusisi sa perang bunga ng ating pagsusumikap at ng pagtupad natin sa ating tungkulin bilang mamamayan ng bansa.
Sumainyo ang katotohanan.