306 total views
Kinuwestyon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang panawagan ng mga top officials ng Social Security System sa kanilang Performance – Based Bonus mula sa programa ng Governance Commission for Government-owned and Controlled Corporations.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, hindi naaayon na bigyan ng performance bonus ang ilang malalaking opisyal ng SSS dahil sa bagsak at palpak nilang serbisyo sa halos 32.9 na milyon nitong miyembro.
Iginiit pa ni Bishop Pabillo kinakailangan na bigyang prayoridad ng SSS ang sapat na benepisyo para sa halos 173,000 miyembro nito mula sa informal settlers kumpara sa mahigit 10 milyong napapabilang sa informal sectors o underground economy.
“Dapat uunahin natin yung mga maliliit na tao na yung ating mga pensioners ang ating mga manggagawa kaysa itong mga nasa management na hindi natin alam kung anong performance ang kanilang nagawa. Unahin dapat natin kung nagbibigay sila dapat ibigay sa mga tao na talagang nagko – contribute doon,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Nanawagan rin ang obispo sa ilang mga mambabatas na i–override ang nauna ng vineto ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Enero 2016 sa House Bill 5842 o ang P2,000 across-the-board na dagdag sa buwanang pensyon ng mga pensyonadong karamihan ay mga senior citizen.
“Patuloy ang panawagan natin sa P2K increase at hindi lang nga dapat taas – taasan pa ang increase ng mga pensioners natin,” giit pa ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nabatid na mula sa datos ng SSS nasa 4 na milyon lamang ang naidagdag sa mga miyembro nito mula taong 2010 hanggang 2015.
Nauna na ring binanggit ni Pope Francis na kinakailangan pahalagahan ng lipunan ang mga matatanda at hindi dapat ina – abanduna sapagkat sila ang kayamanan ng kasaysayan.