2,372 total views
Hihilingin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Vatican ang pagkakaroon ng permanent deacons sa Pilipinas.
Ito ayon kay CBCP President Kalookan Bishop Pablo Virgilio ay upang pangasiwaan ang mga gawaing hindi nabibigyang pansin ng mga pari.
Ayon sa obispo, bukod sa mga gawain sa loob ng parokya ay marami pang mga pamayanan ang hindi naabot nang paglilingkod ng simbahan.
Ang diakono ay ang ikatlong uri ng ordained ministry tulad ng mga obispo, at presbyter/priest.
“If we have permanent deacons we can deploy them, puwede silang mamuno sa mga mission center or station as chaplains even while they are engaged sa kanilang mga secular life. Ito yung magiging pagkakaiba. Kasi ang mga diakono ay nakababad sa daigdig at sa lipunan pwede rin silang magkaroon ng mas mabisang influence para sa pagpapatotoo ng Mabuting Balita which what we call ‘evangelization’. Pwede rin silang maghanap buhay sa secular na lipunan habang naglilingkod sa simbahan,” ayon kay Bishop David sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas.
Ang mga diakono ay ang mga lingkod ng simbahan na maaring may asawa at nagtatrabaho sa mga kompanya bukod pa sa paglilingkod sa simbahan.
Unang tinalakay ang Permanent Deacons sa nakalipas na plenary assembly noong January.
Ayon kay Bishop David ang panukala ay sinang-ayunan ng 63-obispo mula sa 73 bilang ng mga dumalo sa pagtitipon.
Naniniwala din ang pinuno ng CBCP na ang pagkakaroon ng mga diakono na magiging katuwang sa mga parokya ay magiging tugon din sa kakulangan ng mga pari sa bansa.
Sa datos, tinatayang may 11-libo ang bilang ng mga pari sa buong Pilipinas na nangangasiwa sa higit 80-milyong katoliko sa buong Pilipinas.