1,075 total views
Kapanalig, marami pa ring mahirap sa ating bansa, at bukod dito, napakadikit pa rin ng inekwalidad o hindi pagkapantay-pantay sa ating lipunan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang poverty rate sa ating bansa ay nasa 18.1% noong 2021. Katumbas ito ng halos 20 milyong Filipino na nasa ilalim ng poverty threshold na P12,030 kada buwan para sa pamilya na may limang miyembro. Kapanalig, kung hahatiin mo ang halaga na ito para ibudget sa limang tao sa isang buwan, lumalabas na halos P80 lamang kada tao – kasama na baon, pamasahe, kuryente, at renta sa bahay.
Ang mas nagpapalala pa nito ay ang inekwalidad sa bayan. Ayon sa World Bank, ang top 1 percent earners sa ating bayan ay bihag na ang 17% ng national income habang naghahati-hati ang bottom 50% ng ating populasyon sa 14% ng national income. Ang Gini coefficient natin, ang sukatan ng income inequality, ay nasa 42.3%. Isa na ito sa pinakamataas sa East Asia.
Kapanalig, kailangan nating harapin ito. Kailangang harapin agad ng ating mga pinuno ito.
Ang malawakang inekwalidad sa bayan ay nangangahulugan ng hindi pantay-pantay na access sa mga batayang serbisyo ng bayan, gaya ng kalusugan, edukasyon, trabaho at iba. Nagsisimula pa lamang ito sa sinapupunan – ang mga maralita, mula pa lamang sa sinapupunan ay markado na ng kahirapan. Kulang ang sustansya na kanilang nakukuha dahil sa hirap ng kanilang magulang, pati mga prenatal check-ups ay madalang at hindi tiyak dahil sa kulang sa access.
Ang inekwalidad ay maaaring kakambal na ng mamamayan hanggang pagtanda o hanggang kamatayan. Marami sa ating pamilyang Filipino, dahil sa hindi pagkapantay pantay sa lipunan, ay hindi nagkakaroon ng oportunidad na magkaroon ng disenteng trabaho at social protection, na maaari sanang makapagbigay ng pension na masasandalan nila sa kanilang pagtanda o sa panahon na nagkasakit sila. Kaya’t hanggang dulo, hindi sila naka-aninag ng pag-unlad dahil sa hindi pagkapantay-pantay sa lipunan.
Ito na sana ang panahon kung kailan natin matutukan ito, sa panahon na tayo ay nagsisimula ulit mula sa pandemya. Kailangan natin ng mga reporma sa polisiya upang tunay na maging pro-poor na ito at maging accessible na ang mga serbisyo ng pamahalaan para sa lahat.
Kung tunay nating nais na iwaksi ang inekwalidad sa ating bayan, kailangan natin isulong ang patas na oportunidad at access sa kalingang pangkalusugan para sa anumang edad, sa edukasyon, sa pabahay at sa trabaho. Ang mga ito ay hindi manggagaling sa maralitang mamamayan. Ang pamahalaan ay kailangan manguna dito na kailangan namang susugan at suportahan ng pribadong sektor.
Ang inekwalidad sa ating bayan ay hindi lamang politikal na isyu. Ito ay moral na issue. Ayon nga sa Economic Justice for All: No one may claim the name of Christian and be comfortable in the face of hunger, homelessness, insecurity, and injustice found in this country and the world.
Sumainyo ang Katotohanan.