217 total views
Mas makabubuting maghintay na lamang kung may paparating na mas epektibong bakuna laban sa coronavirus.
Ito ang tugon ni Fr. Marlito Ocon, SJ, head chaplain ng Philippine General Hospital hinggil sa naging pahayag ng pamunuan ng PGH sa paggamit ng bakunang likha ng Sinovac sa mga empleyado ng nasabing ospital.
Ayon kay Fr. Ocon, mas makabubuting hintayin na lamang ang mas epektibong bakuna para na rin sa kaligtasan ng mga pasyenteng kanilang binibigyang lunas lalo’t higit sa medical frontliners.
“I’d rather wait for the best one kung meron mang darating. Kasi sinasabi naman nilang meron. Hindi naman siya parang ‘yan lang ang darating na kailangan natin or ‘yan lang ang vaccine mayroon na kailangan natin to take the risk for the sake also of the people we serve, our patients and to all frontliners na nandirito [sa ospital],” bahagi ng pahayag ni Fr. Ocon sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi rin ng pari na muling nagsagawa ng pagpupulong ang pamunuan ng PGH kasama ang Department of Health noong Pebrero 28 kung saan muling tinalakay ang pagbabakuna ng Sinovac sa mga empleyado ng ospital.
Tinalakay dito ang resulta mula sa isinagawang survey ng PGH na nasa 95-porsyento ang tutol na mabakunahan ng Sinovac.
Isa sa mga dahilan ni Fr. Ocon sa hindi pagpapabakuna ng Sinovac ay dahil kapag nabakunahan na nito ay hindi na puwede pang tumanggap ng ibang uri ng COVID-19 vaccine.
“Once na mabakunahan ka ng Sinovac, by the time na dumating yung Pfizer or other better vaccines hindi ka na maaaring magpabakuna ng iba pang vaccine,” ayon kay Fr. Ocon.
Umaasa naman ang pari na ginagawa ng pamahalaan ang kanilang makakaya upang makakuha at maibigay sa publiko ang mas epektibo at ligtas na vaccine lalo’t higit sa mga health worker na pinaglilingkuran ang mga mas nangangailangan ng karampatang lunas.
Batay sa Food and Drug Administration, ang Sinovac ay ang biopharmaceutical company mula sa Beijing, China na lumikha ng CoronaVac na nasa 50-percent lamang ang efficacy rate kumpara sa ibang COVID-19 vaccine.
Inirerekomenda lamang ang pagbabakuna ng Sinovac sa mga indibidwal na may edad 18 hanggang 59 na taong gulang at hindi para sa mga healthcare workers na mas lantad sa COVID-19.