31,212 total views
Nananawagan ng panalangin ang Philippine General Hospital Chaplaincy kaugnay sa nangyaring sunog sa bahagi ng gusali alas-tres ng hapon nitong March 13.
Ayon kay PGH head chaplain Fr. Marlito Ocon, SJ, lubhang napinsala ng sunog ang ward unit ng pagamutan kasunod ng pagputok sa Doctor’s call room sa pagitan ng Ward 1 at 3.
Agad namang inilikas ang mga pasyente kasunod ng insidente at naapula na rin ng Bureau of Fire Protection ang sunog na umabot sa ikatlong alarma.
“I think wala namang casualty sa mga patients. Marami kasi sa Wards 1 to 4 ang nasa critical condition at intubated,” ayon kay Fr. Ocon sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman ang pari sa mga kawani ng ospital na agad sumaklolo upang mailigtas ang mga apektadong pasyente.
Gayundin sa mga bumbero na agad tumugon upang apulahin ang apoy at hindi na lumawak pa ang pinsala.
Sinabi naman ni Fr. Ocon na magsasagawa ang chaplaincy ng assessment upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng sunog.
“We will continue to assess kung ano ang kakailanganin para sa mga pasyente,” saad ni Fr. Ocon.
Magugunita noong Mayo 2021 nang masunog ang operating room complex sa ikatlong palapag ng PGH dahil sa faulty wiring.