259 total views
Pormal nang pinasinayaan ang Philantrophic Development Office ng Vincentian Foundation sa loob ng Santuario de San Vicente de Paul sa Tandang Sora, Quezon City.
Ayon kay Rev. Fr. Gerald Borja, CM, ang Executive Director at Philantrophic Development Director ng Vincentian Foundation, ang PDO ay isang tanggapan na mangangasiwa sa ugnayan ng mga taong nagkakaloob ng mga donasyon sa foundation.
Aniya, mahalagang matutukan din ng foundation ang pakikipag-ugnayan sa mga nagbibigay ng tulong upang maramdaman ng mga donors ang kalinga at pagpapahalaga ng institusyon.
“Gustong mangyari namin [Vincentian Foundation] sila [donors] ay makatulong sa foundation at the same time as they give, as they donate sa foundation gusto din namin na maging maganda ang karanasan maging rewarding and fulfilling; so it’s going to be an ongoing relationship between the foundation and the donors para mutually beneficial for everbody,” pahayag ni Fr. Borja sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Pari na ang pagiging biyaya sa kapwa ay kalugod-lugod sa Panginoon kaya’t higit na pinagpapala ang mga nagtutulungan sa pamayanan.
Hinimok ni Fr. Borja ang mananampalataya na makiisa sa mga programa ng Simbahang Katolika at magbahagi hindi lamang ng salapi kundi ng kakayahan para sa mga nangangailangan.
“Gusto po namin kayong hikayatin na mag-donate na magbigay ng inyong sarili hindi lamang ng pera kundi part ng inyong resources, panahon, kaalaman, at expertise; kapag ginawa po natin ito, hindi lang po tayo makatutulong sa nangangailangan kundi tayo rin ay mabeblessed,” ani ni Fr. Borja.
Kabilang sa mga proyektong tinututukan ng Vincentian Foundation ang pagkaloob at pagkalinga sa mga walang tahanan.
Tinukoy ng Foundation ang malawak na suliranin ng homelessness sa bansa na batay sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2018 ay 4.5 milyong katao ang walang tirahan kung saan 3 milyon dito ay nasa Metro Manila.
Bukod sa pabahay, tinutulungan din ng foundation ang mga batang may kapansanan, mga may edad na walang nag-aaruga at mga katutubo sa mga lalawigan partikular ang mga Subanen sa Misamis Oriental.
PAGKILALA AT PASASALAMAT
Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Althea Bargan, 15 taong gulang, sa mga tulong ng Vincentian Foundation na nagpapagaan sa kalagayan ng kanilang pamilya.
Ang pamilya nito ay isa sa mga benepisyaryo ng bamboo house program ng foundation sa Bagong Silangan Quezon City kung saan higit sa 50 bahay na ang naitayo.
“Nagpapasalamat po ako ng sobra-sobra dahil malaki pong tulong ang naibigay nila [Vincentian Foundation] sa amin,” ani ni Bargan.
Mensahe ni Bargan sa mga mamamayang may kinakaharap na pagsubok na huwag panghinaan ng loob sapagkat hindi ito pinababayaan ng Panginoon sa pamamagitan ng tulong ng mga institusyon ng Simbahang Katolika na kumakalinga sa kanilang pangangailangan.
Aniya, mahalagang matutuhang kumapit sa Diyos upang matamasa ang tagumpay at mga mithiin sa buhay.
Ang Vincentian Foundation ay kasalukuyang nakipagtulungan sa higit 5, 000 partners upang maghatid ng serbisyo sa mga komunidad na tinutulungan, kung saan 4, 000 ay katuwang sa Community Health and Well-being programs habang 1, 500 mga katuwang na pamilya para sa Social Justice and Integrity of Creation Program.
Ang Philantrophic Development Office, ay programang naglalayong makabubuo ng pangmatagalan, tuloy-tuloy at sistematikong mapagkukuhanan ng pondo para sa pagpapaunlad ng isang komunidad o institusyon.
Adhikain ng PDO sa pangunguna ng Spring Rain Global Consultancy Inc. na mag-organisa ng community-based fund raising program sa tulong ng mga individual donors, korporasyon, malalaking organisasyon at foundation na tulad ng Simbahang Katolika.