22,240 total views
Puspusan ang isinasagawang hakbang ng prison ministry at socio-pastoral apostolate ng Society of Jesus (Philippine Province) upang magabayan at mabigyang pag-asa ang mga naligaw ng landas lalo’t higit ang mga kabataang Persons Deprived of Liberty (PDLs) na nakagawa ng pagkakamali sa buhay.
Sa ilalim ng psycho-spiritual, at strengths-based initiative ng na Philippine Jesuit Prison Service (PJPS) na Resilience Program (RePro) ay sumailalim ang ilang kabataang PDLs at Children in Conflict with the Law (CICLs) mula sa Medium Security Camp ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa sa 18 weeks of self-discovery and empowerment.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, umaasa ang PJPS na mabuksan ang kamalayan ng mga kabataang naligaw ng landas upang higit na maging matatag sa pagharap sa mga hamon ng buhay at patuloy na magkaroon ng pag-asa para sa kanilang hinaharap.
Katuwang ng PJPS sa pagsasakatuparan ng inisyatibo para sa mga PDLs ang Ruben M. Tanseco, S.J. Center for Family Ministries (RMT-CEFAM) na kapwa naniniwalang mahalaga ang patuloy na paglingap sa mga naligaw ng landas upang makabalik sa piling ng Panginoon.
“This psycho-spiritual, strengths-based initiative has become a cornerstone of the Philippine Jesuit Prison Service Foundation, Inc. (PJPS), guiding these youth to uncover their True Selves and build resilience traits that to help them rise above life’s challenges.” Bahagi ng pahayag ng PJPS.
Napapanahon din ang iba’t ibang programa at inisyatibo ng PJPS kung saan ginugunita tuwing huling linggo ng Oktubre ang Prison Awareness Week na isang pagkakataon upang maipaalala ng Simbahan sa bawat isa na ipanalangin ang kapakanan, pagbabago at pagbabalik-loob ng mga bilanggo sa buong bansa.
Nakatakda ang 37th Prison Awareness Week sa ika-21 hanggang ika-27 ng Oktubre, na may tema ngayong taon na “The Church thru the VIPS: Partners of the PDLS in their Journey Towards Wholeness with full of Hope.”