11,349 total views
Tiniyak ng Philippine Navy ang patuloy na pagpapatrolya sa mga isla sa West Philippine Sea, sa kabila ng patuloy na banta at pananakot ng China.
Ito ayon sa panayam ng programang Veritas Pilipinas kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy on West Philippine Sea, kaugnay sa patuloy na pagdami ng presensya ng mga sasakyang pandagat ng China sa pinagtatalunang WPS.
Hinihinok naman ni Trinidad ang mga Pilipinong mangingisda na ipagpatuloy ang pangingisda sa karagatan kasabay na rin ng pagbabantay sa kanilang kaligtasan.
“Nagpapatuloy tayo ng ating patrolya, to show that na atin ito. ‘Yung ating mga fishermen na bagama’t minsan hina-harass, we encourage them to go out and fish. As much as possible, pinoprotektahan natin, hanggat kaya natin, kasi limitado din ang ating kagamitan, may parating pa naman compare to a world power like China it is a big challenge.Pero, we should not stop doing actions that will indicate na may interes tayo, kasi atin talaga ‘yan,” ang pahayag ni Trinidad sa panayam ng Radyo Veritas.
Una ng inulat ng Philippine Navy ang presensya ng 190 Chinese vessels sa WPS mula September 30 hanggang October 6, mas mataas kumpara sa 178 barkong naitala noong nakaraang linggo.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Francel Padilla na sa 190 na namataang barko, 11 dito ay bahagi ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) at 17 naman ay mga barko ng Chinese Coast Guard (CCG) na nasa Panatag, Ayungin, at Escoda shoals.
Bukod pa rito ang tatlong barko ng CCG at anim na PLA-N ships na namataan sa iba pang bahagi ng WPS sa parehong panahon.
Naitala rin ng Philippine Navy ang pinakamataas na bilang ng mga barko ng China, 251, sa WPS noong Setyembre 17 hanggang 23. Bumaba ito sa 178 mula Setyembre 24 hanggang 30.
“Kahit isa lang, iyon ay violation na. We don’t want to mislead the public na ganito kadami ang critical dyan ay iyong gray ship at white, yung coast guard. Kasi yun ang malalaki,” ayon pa kay Trinidad.
Patuloy na iniinspeksyon at binabantayan ng Philippine Navy ang sitwasyon sa West Philippine Sea, kasabay ng paggiit ng soberanya ng bansa laban sa panggigipit ng China.