380 total views
May kasabihan sa ating lipunan kapanalig, na lagi na nga nating ginagawang biro para sa mga kasama natin na tamad na tamad kumilos. Ito ay ang “galaw galaw para hindi pumanaw.” Nakakatawa, pero totoo.
Ang moderno nating buhay ngayon ay nagtutulak sa atin na huwag na lamang tumayo. Andyan na ang streaming kaya’t marami sa atin maghapon ang TV bingeing; may gadgets gaya ng cellphone, kaya’t halos lahat tayo minsan, scroll na lang scroll. Naisin man natin lumabas, kadalasan, sa mall na tayo pumupunta – kakain tapos manood ng sine. Napakakonti na lang kasi ng mga green spaces o parke sa ating paligid kaya’t konti lang sa atin ang naglalakad-lakad o nagjo-jogging.
Kaya nga’t hindi nakakapagtaka na sa buong mundo, ang Pilipinas ang pangalawa sa may pinaka-maraming physically inactive kids. Ayon sa isang pag-aaral ng World Health Organization (WHO), nasa 93.4% ang physical inactivity prevalence ng kabataan ng bansa, sunod sa 94.2% ng South Korea.
Malaki ang epekto ng kawalan ng pagkilos ng mga mamamayan, kapanalig. Dahil dito, tinatayang aabot sa 500 milyong katao ang maaaring magkaroon ng heart disease, obesity, diabetes o iba pang noncommunicable diseases (NCDs) sa pagitan ng 2020 at 2030. Magkakahalaga ito ng US$ 27 billion kada taon. Hindi lamang pera ang mawawala dito, kundi buhay. Maraming mga pamilya ang mangungulila at mahihirapan dahil lamang ayaw nating kumilos-kilos, kahit kaunti.
Kapanalig, dapat makita natin na ang physical activity ay kasama sa ating kalusugan. Kung nais natin na maging tunay na masigla at malusog, kailangan ma-integrate natin, hanggang sa institutional level, ang kahalagahan ng physical activity.
Ang ating mga polisiya ay maaring makatulong upang tunay na maisali o ma-mainstream ang physical activity sa mga gawain ng mamamayan. Simpleng ehemplo na lamang ay ang pagbibigay espasyo para sa mga bike lanes at footpaths sa ating mga lansangan. Isa pa ay ang pagkakaroon ng sapat na oras sa loob ng ating mga work days na tayo ay makakatayo at makakalakad-lakad. Ang paglalatag ng mga sports program para sa lahat ay isa ring magandang gawain upang mayakag ang mga mamamayang gumalaw-galaw.
Sana sa ating bansa, ating maituro sa mga kabataan na mahalaga ang physical activity – integral ito sa kalusugan ng tao. Integral din ito sa holistic development natin dahil isa pa sa mga bentahe nito ay pagpapalago at pagpapalalim ng mga values natin. Sabi nga ni Pope Francis noong siya ay nakipagpulong sa mga atleta ng Italya noong 2019: “sports help cultivate the values of life.”
Sumainyo ang Katotohanan.