289 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ikaanim na Linggo ng Pagkabuhay, ika 26 ng Mayo 2022, Jn 16:16-20
May nasabi si Pope JP2 noong binisita niya ang Australia. Isa ito sa naging pinakapaboritong quotable quotes sa lahat ng mga sinabi ng yumaong Santo Papa. Sabi niya:
“We do not pretend that life is all beauty. We are aware of darkness and sin, of poverty and pain. But we know Jesus has conquered sin and passed through his own pain to the glory of the Resurrection. And we live in the light of his Paschal Mystery – the mystery of his Death and Resurrection. ‘We are an Easter People and Alleluia is our song!’”
Ito ang pumasok sa isip ko tungkol sa ebanghelyo natin ngayon. Sa Juan 16:20, sinabi ni Hesus,
“Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at tatangis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan.”
Isa ito sa mga habilin ni Hesus sa mga alagad niya. Ipinaliwanag niya na ang pagluluksa at pagtangis ay bahagi ng pagiging alagad. Pero ang pagluluksa ng alagad ay laging panandalian lang. Isang pagluluksa na nauuwi sa mas higit pang kaligayahan.
Ito ang pinakamahalagang biyaya na hatid ng muling pagkabuhay: PAG-ASA. Ang alagad ng pagkabuhay ay hindi kailanman susuko sa kapighatian na parang iyon na ang katapusan ng lahat at wala nang kasunod. Sabi nga ni San Pablo nang sulatan niya sila sa gitna ng kanilang pagluluksa dahil namatayan sila ng mga mahal sa buhay.
“Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, UPANG HINDI KAYO MAGDALAMHATING TULAD NG MGA TAONG WALANG PAGASA.” (1 Thess 4:13)
Ang alagad ay nagdadalamhati rin, pero “pagdadalamhating may pag-asa.” Ito ang pundasyon ng pagiging Kristiyano—kahit ano pang trahedya ang pwedeng mangyari, kahit maging masama o masaklap ang maging takbo ng mga pangyayari, laging bahagi lang ito ng isang prosesong may tinutungong higit na kabutihan.
Ang maging Kristiyano ay ang maniwala na sa kamatayan at pagkabuhay ni Kristo, napagtagumpayan na niya ang kasalanan at kasamaan. Kahit mayroon pa ring pagdurusa na dulot ng kasamaan, asahan mo na hahayaan lang ng Diyos na mangyari ito kung alam niyang may maidudulot ito na mas higit na kabutihan para sa atin sa bandang huli. Ang gabi ay laging susundan ng liwanag; ang tagtuyot ay laging susundan ng tag-ulan. Ang pagdurusa ay parang pagbubuntis, paghahanda para sa pagsilang.
Ito ba’y pakunswelo de bobo? Hindi. Ang tawag natin dito ay PAG-ASA. Na kapag madilim na sa labas nagsisindi tayo ng kandila sa loob para hindi tayo magpatalo sa dilim—ang maglamay, magpunyagi, maghintay nang buong tiyaga para sa pagsilang ng isang bagong bukas. Parang mas magandang pakinggan sa Tagalog ang sinabi ni Papa Juan Pablo nang dalawin niya ang Australia noong 1986:
“Hindi tayo nagkukunwari na ang buhay ay purong kagandahan. Batid nating may kadiliman at kasalanan, may kahirapan at pagdurusa. Ngunit alam natin na napagtagumpayan na ni Hesus ang kasalanan at nalampasan na niya ang sariling pagdurusa tungo sa ligaya ng pagkabuhay. Nabubuhay tayo sa liwanag ng Misteryong ito ng Paskwa—misteryo ng kamatayan at pagkabuhay. TAYO AY MGA ALAGAD NG PAGKABUHAY AT ALELUYA ANG AWIT NATIN.”