464 total views
Kailangan nang magka-isa na pigilin ang patuloy na pagkasira ng kalikasan.
Ito ang hamon ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa mamamayan maging sa pamahalaan kaugnay sa pangangalaga sa kalikasan kasabay na rin ng paggunita sa Season of Creation.
Ayon sa Obispo, na chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity, ang usaping may kaugnayan sa kalikasan ay nangangailangan ng pagkilos sa halip na magbitiw lamang ng mga salita at magsagawa pa ng iba’t ibang pag-aaral.
Iginiit ng Obispo na sapat na ang mga pag-aaral kung saan nasasaad dito na dahil sa pang-aabuso at pagpapabaya ng mga tao kaya nawawala at nasisira ang balanse ng ating kalikasan at kapaligiran.
“Ang usapin sa kalikasan ay nagtatawag ng pagkilos ng gawa at hindi lang ng talumpati o pag-aaral. Sapat na ang pag-aaral at sinasabi nito na sinisira ng tao ang balance ng kalikasan. Kailangan nang magkaisa na pigilin ang patuloy na pagkasira nito.”, pagninilay ni Bishop Pabillo sa Healing Mass sa Veritas.
Samantala, tinutulan naman ng Obispo ang Kaliwa Dam na proyekto ng pamahalaan na layong makapagbigay ng patubig sa Metro Manila.
Ang nasabing proyekto na nagkakahalaga ng PHP 12.2-Billion ay magdudulot ng pinsala sa higit 300-ektarya ng kagubatan ng Sierra Madre na matatagpuan sa lalawigan ng Quezon.
Nangamba naman ang Obispo dahil ang proyektong ito ay napagkasunduan sa pagitan ng China at Pilipinas.
“Utang sa China ang 12.2 billion peso-dam na ito. Maraming manggagawa dito ay mga intsik at kung may hindi pagkakasundo sa kontrata, ang korte sa China ang magpapasya at hindi [ang] korteng Pilipino.”, ayon sa Obispo.
Hinikayat naman ni Bishop Pabillo ang lahat ng mamamayan na kumilos na alang-alang sa bayan lalo’t higit, alang-alang sa inang kalikasan.