285 total views
Makinig sa pamamagitan ng ating puso para mapakinggan ang nais sabihin sa atin ng Panginoon.
Ito ang pagninilay ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa welcome mass sa pagdalaw ni St. Therese of the Child Jesus sa San Roque Cathedral.
“Ang panalangin ay pakikinig. When you pray manahimik tayo. Bakit kailangang manahimik kapag nananalangin. Kasi ang panalangin ay pakikinig! At ang pakikinig na sinasabi ko ay hindi sa tenga kundi sa puso sa kaluluwa. Pagbubukas ng kalooban sa Diyos na ibig mangusap sa atin.” paalala ni Bishop David
Sinabi ng Obispo na ang bawat isa ay dapat na pakinggan ang tinig ng Diyos at matutong magnilay sa mga pangyayari sa kanyang buhay para sa paggabay ng ating Panginoon.
“Hindi ang tayo ang may sasabihin sa Diyos, kundi ang Diyos may sasabihin sa atin. Ang mas mahalaga At matuto tayong magbukas loob at makinig sa kanya. Huwag magpalinlang, ang isang tunay na prayerful person ay natututong makinig. Kilala niya ang Diyos ang tinig Niya hindi siya magpapalinlang sa masamang espiritu. Iyan ang naranasan ni Ate Tere (St. Therese) nang siya ay pumasok sa monasteryo.” pahayag ni Bishop David
Ito na ang ika-apat na ulit na pagbisita ng pilgrim relic ni St. Therese sa Pilipinas na nagsimula noong 2000.
Ang relikya ay dumating noong Enero kung saan pinamunuan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia ang pagdiriwang ng misa sa National Shrine of St. Therese sa Pasay.
Mananatili ang relikya sa bansa hanggang sa ika-31 ng Mayo at dadalaw sa may higit 40 diyosesis at Arkidiyosesis sa bansa.
February 14-Ash Wednesday, bibisita ang pilgrim relic sa Veritas Chapel alas-9 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon.
Una na ring hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na nawa ay makasumpong ang bawat isa ng inspirasyon para tularan ang pagpapakumbaba ni St. Therese at ang pagganap sa mga gawain ng buong pagmamahal at dalisay.
Si St. Therese ay isinilang sa France noong 1873. Sa edad na 15-taon pumasok siya sa Carmelite Monastery kung saan ginugol niya ang kaniyang buhay sa pagpapakabanal at gawin ang mga lahat ng mga bagay ng may pagmamahal.
Siya ay pumanaw sa edad na 24 dahil sa sakit na tuberculosis at idineklarang Santo ng simbahan taong 1925, makaraan ang 100 taon ng kanyang pagkamatay kinilala rin siya bilang ikatlong babaeng doctor ng simbahan.