602 total views
Inanunsyo ng Archdiocese of Cebu na maari nang makakuha ng pilgrim’s passport ang mananampalataya na gagamitin sa pagbisita ng mga itinalagang pilgrim churches ng arkidiyosesis ngayong Jubilee Year.
Layunin ng proyekto na matulungan ang mananampalataya sa pagninilay at pananalangin sa paglalakbay ngayong natatanging taon ng hubileyo sa temang ‘Pilgrims of Hope.’
Nilalaman ng pilgrim passport ang talaan ng mga pilgrim churches sa buong lalawigan na maaring dalawin kung saan sa bawat pagbisita ay maaring kumuha ng stamp bilang palatandaan ng pagdalaw sa pilgrim church.
“This meaningful tool fosters devotion and unity among pilgrims as they journey through the Archdiocese during the Jubilee celebration,” ayon sa Archdiocese of Cebu.
Makikita rin sa Pilgrim Passport ang QR Code na maaring i-scan ng mananampalataya para sa international prayer platform na Hallow App kung saan mapakikinggan ang mga panalangin at pagninilay ni Cebu Archbishop Jose Palma.
Nagkakahalaga ng P199 ang pilgrim passport kung saan ang malilikom na pondo ay gagamitin sa mas malawak na pagmimisyon ng simbahan.
“This initiative plays a significant role in our shared mission, as its proceeds will help fund the various initiatives for the Jubilee celebrations,” ayon sa arkidiyosesis.
Maaring makakuha ng pilgrim passport sa Parish Office ng mga itinalagang pilgrim churches, sa tanggapan ng Commission on Worship sa Cebu Metropolitan Cathedral compound, at sa tanggapan ni Archbishop Palma.
Paalala ng arkidiyosesis sa mananampalatayang makabisita ng 15 pilgrim church ay maaring kumuha ng Pilgrimage Certificate habang ang makabisita sa 31 simbahan ay may karagdagang token na matatanggap.
Patuloy ang paanyaya ng simbahan sa mananampalataya na dumalaw sa mga pilgrim churches upang matamo ang plenary indulgence ngayong Jubilee Year alinsunod sa mga alintuntunin ng pagtanggap tulad ng pagdulog sa sakramento ng kumpisal, pagtanggap ng Banal na Komunyon, panalangin sa natatanging intensyon ng santo papa, pag-usal ng Ama Namin at Credo.