501 total views
Ipinagpaliban ng Commission on Ecology ng Archdiocese of Nueva Segovia ang nakatakdang Pilgrim’s Walk for Future 2022 dahil sa banta ng Super Typhoon Henry sa hilagang bahagi ng bansa.
Unang nakatakda ang Pilgrim’s Walk for Future 2022 sa ika-3 ng Setyembre, 2022 ang unang Sabado sa buwan ng Setyembre bilang paggunita sa Season of Creation 2022 na ipinagpaliban at itinakda sa ika-10 ng Setyembre, 2022 upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga dadalo sa gawain.
Magsisimula ang Pilgrim’s Walk for Future 2022 sa Immaculate Conception Minor Seminary (ICMS) ng Archdiocese of Nueva Segovia alas-singko ng umaga hanggang alas-dyes ng umaga.
Kabilang sa mga nakahanay na gawain ay ang pagsasagawa ng banal na misa sa baybayin ng San Pedro Beach na una ng nilinis ng ilang mga kabataan bilang paggunita sa Season of Creation 2022.
Magtatapos naman ang gawain sa pamamagitan ng pagtatanim ng foundation tree ng Commission on Ecology sa tinaguriang “The Laudato Si’ Sanctuary of Nueva Segovia”.
Hinihikayat naman ng komisyon ang bawat isa na ipanalangin na ipag-adya ng Panginoon ang bawat isa mula sa pananalasa ng Super Typhoon Henry partikular na sa hilagang bahagi ng bansa.