269 total views
Mga Kapanalig, nagimbal ang Estados Unidos at ang buong mundo nang maganap ang isa na namang malagim na pamamaril sa isang paaralan doon. Nangyari ito Robb Elementary School sa Uvalde, Texas bago matapos ang Mayo. Labing-siyam na bata at dalawang guro ang namatay. Bagamat milya-milya ang layo sa atin ng Texas, hindi nito maiaalis na ang isyu ng karahasan at pagbibigay-proteksyon sa buhay ng bawat isa ay isang isyung malapit sa puso nating mga Kristiyano.
Ang pamamaril na ito sa Texas ay isang pangyayaring nagpapaalala sa katulad na insidente ng karahasan noong 2012 sa Sandy Hooks Elementary School sa Connecticut kung saan 28 ang napatay. Nariyan din ang pamamaril sa Columbine High School sa Colorado noong 1999, Marjory Stoneman Douglas High School sa Florida noong 2018, at Sante Fe High School sa Texas noong 2018. Hindi hiwalay na isyu ang pamamaril sa Robb Elementary School na nagpaningas muli ng diskusyon ukol sa mas mahigpit na gun control sa Estados Unidos. Ang gun control ay isang usaping palaging lumulutang tuwing nagkakaroon ng mass shooting sa Amerika.
Ang suspek ng pamamaril sa Texas ay isang 18 taong gulang na lalaking ayon sa mga awtoridad ay naunang binaril ang kanyang lola bago nagsimulang barilin nang walang habas ang mga taong nakasalubong niya habang patungo sa paaralan. Wala umanong record ng pagkakasangkot sa krimen o kaya’y mental illness ang suspek. Ayon pa sa mga pulis, mag-isang ginawa ng suspek ang pamamaril. Binili nito ang armas na ginamit sa pamamaril noong tumuntong siya ng 18 taong gulang. Kaya naman, muling umugong ang tanong kung masyado bang bata ang edad ng isang taga-Texas kung kailan pinahihintulutang bumili siya ng baril.
Maliban sa panawagan ng marami na higpitan ang patakaran sa pagbili ng baril o gun control, may mga nanawagan din ng paglalagay ng mas maraming pulis sa mga paaralan na laging target ng karahasan. Ngunit ayon sa mga eksperto, hindi ito magiging epektibo upang mapigilan o maiwasan ang mass shootings sa mga paaralan. Sa halip, maaari pa itong makaragdag sa hindi patas na pagpaparusa at criminalization sa mga mag-aaral na Black at Latino, lalo na’t matinding usapin ang diskriminasyon sa mga people of color sa Amerika. Batay din ito sa mga pag-aaral na nagsasabing hindi makatutulong ang mas maraming pulis sa mga paaralan upang protektahan ang mga bata. Mas mabuti raw na paglaanan ang mga programang katulad ng pagbibigay suporta sa mental health ng mga bata, maagang pagtukoy o early detection sa mga at-risk na mga mag-aaral, at paglinang ng isang kulturang tanggap ang pagkakaiba-iba ng mga tao.
Nagpahayag si Pope Francis ng kanyang matinding pakikiisa sa kalungkutang dala ng trahedyang ito sa Amerika. Aniya, makakaasa ang mga biktima ng pakikisa o spiritual closeness. Hinikayat niya ang lahat na ipagdasal ang mga bata at guro na nasa piling na ng Maykapal. Ipinagdarasal rin daw niya ang paghilom ng mga naapektuhan ng trahedyang ito. Ipinaalala ng Santo Papa ang sinasabi sa Roma 12:21, na hindi tayo dapat “magpadaig sa masama, kundi daigin [natin] ng mabuti ang masama.”
Mga Kapanalig, isa mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan ang peace and nonviolence. Sa pagsusumikap nating hindi gamitin ang karahasan, itinuturo nito sa atin na laging piliin ang kapayapaan. Sa anumang gagawing hakbang ng pamahalaan at komunidad ng Estados Unidos upang protektahan ang mga bata at pigilan ang karahasan, nawa’y gawin nito ito sa pamamagitan ng pagpili sa kapayapaan, hindi sa pamamagitan ng pagdadagdag ng armas o ng mga pulis. Nawa’y gawin nila ito sa pamamagitan din ng pag-udyok sa bawat mamamayang tanggapin at ituring ang iba bilang kanilang kapwa.