221 total views
Mga Kapanalig, ipapasá-Diyos na raw ni Pangulong Duterte ang pagtakbo niya bilang bise presidente sa halalan sa taóng 2022. Ito ang naging tugon niya sa inihaing resolusyon ng kanyang partidong PDP-Laban na nagtutulak sa kanyang tumakbo bilang ikalawang pangulo ng bansa sa nasabing eleksyon.
Maraming espekulasyon ngayong tatakbong bise presidente si Pangulong Duterte upang bigyang-pagkakataong tumakbo naman bilang presidente ang kanyang dating assistant na si Senador Bong Go. Nanggaling ang haka-hakang ito sa mismong sinabi ni Senador Go na maaari siyang tumakbo kung magiging bise presidente niya si Pangulong Duterte. Hindi ipinagbabawal ng Saligang Batas ng 1987 na tumakbo bilang bise presidente sa susunod na eleksyon ang isang pangulo pagkatapos ng kanyang termino. Ngunit para sa ilang eksperto sa larangan ng politika, hindi raw mabuti para sa pagsusulong ng demokrasya ng bansa kung mangyayaring tatakbo nga bilang bise presidente si Pangulong Duterte. Kahit walang kasiguraduhang tandem nila ni Senador Go ang mananalo, ikinababahala ng mga eksperto ang tinatawag na “shadow government” kung saan si Pangulong Duterte pa rin malamang na magpapatakbo ng pamahalaan sa likod ng kanyang katambal. Isa raw dagok at paglabag sa diwa ng Konstitusyon at demokrasya ang pagtakbo sa halalan ng nasabing tandem.
Kung gagawing pamantayan ang sinasabi sa 1 Timoteo 3:1-3, ang mga namumuno, kasama na ang mga lider ng bansa, ay dapat marunong magpasya kung ano ang nararapat. Sila ay kagalang-galang, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway. Maliban sa mga nabanggit na katangian, mahalagang ang pinuno ng ating bansa ay nagtataguyod ng dignidad ng kanyang mga nasasakupan; hindi tinitingnan ang mga kababaihan bilang kasangkapan lamang, at hindi ginagawang biro ang rape. Kailangan natin ng pinunong marunong makibahagi sa isang matalino at makahulugang pag-uusap, hindi sa pag-atake sa personal na kahinaan o panlalait sa mga pumupuna sa kanya. Dapat niyang tinitiyak na napapanagot ang mga tiwali, mandarambong, at mga lumalabag sa karapatang pantao. Mahalaga ring ang lider natin ay may paggalang sa pananampalataya, at hindi ginagamit ang pangalan ng Diyos nang walang kabuluhan.
Ilang buwan na lamang at lilitaw na ang mga kakandidato sa eleksyon sa susunod na taon. Kailangan nating maging matalino at wais sa pagpili ng mga taong mamamahala ng ating bansa. Dahil demokrasya pa rin ang umiiral sa ating bayan, nasa kamay nating mga mamamayan ang pagpili ng karapat-dapat na lider ng ating bansa. Gaya ng sabi sa ensiklikal na Centesimus Annus, ginagarantiya sa isang demokrasya ang kapangyarihan ng mga mamamayang palitan ang mga pinunong hindi naging mabuti o epektibo sa kanilang pamamahala. Ibig sabihin, ang mamamayan ang may kapangyarihan at kalayaang magpasya para sa kapakanan ng nakararami, lalo na kung kitang-kitang bigô ang mga naturingang lider sa paglutas ng mga problema ng lipunan. At sa ating pagpapasya, pilitin nating pakinggan ang tinig ng Diyos na inaanyayahan tayong umayon sa Kanyang kalooban. At ang tunay na kaloob ng Diyos ay ang magkaroon ng patas at masaganang buhay ang lahat ng tao—hindi ang patayan, paglabag sa karapatang pantao, pambabastos, at pagiging abusado.
Mga Kapanalig, mahalagang may mataas tayong standards sa pagpili ng mga lider ng ating bansa dahil ang pagtakbo sa isang pampublikong posisyon, lalo na sa pagka-presidente o bise presidente, ay isang malaking responsibilidad. Malaki at mahalaga ang kanilang pananagutan sa taumbayan. Kaya naman, kailangan natin ng mga lider na may tunay na malasakit sa mahihirap, mga lider na pinahahalagahan ang dignidad at karapatan ng tao, at hindi nakakalimot sa kanilang ipinapangako.
Tandaan nating tayo ang humihirang sa mga pulitikong nasa pwesto. Mahalagang gamitin natin ang ating kalayaang piliin ang mga tama at nararapat na lider ng ating bayan.