337 total views
Nagpulong ang Pilipinas at European Union kung saan tinalakay ang kasalukuyang mga programa na kapaki-pakinabang sa mamamayang Filipino.
Ito ang kauna-unahang virtual forum ng Sub-Committee on Development Cooperation sa ilalim ng Philippines – EU Partnership and Cooperation Agreement.
“The meeting reviewed ongoing cooperation in areas such as peace and development in Mindanao, sustainable energy, and justice reforms. Both sides discussed the strategic areas of cooperation over the next seven years, with a focus on promoting a green resilient economy, justice and a peaceful society,” bahagi ng pahayag ng European Union in the Philippines.
Layunin din nitong higit na maisulong ang pagtutulungan ng Pilipinas at EU para sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
Kinilala ng magkabilang panig ang ilang programang ipinatupad sa bansa bunga ng pagtutulungan tulad ng programang nagkakahalaga ng 6.3 bilyong piso habang nilalagdaan naman ang kasunduan na nagkakahalaga ng 261 milyong piso para mabigyang enerhiya at livelihood projects ang mga kanayunan sa Mindanao.
Ipinatutupad ang mga programa ng National Electrification Administration (NEA) sa pakikipagtulungan ng Mindanao Development Authority (MinDA).
Bukod pa rito ang mga programa sa peace process, renewable energy at energy efficiency, repormang pang katarungan, edukasyon at iba pa.
Tiniyak ng European Union ang pagpapaigting sa pakikipagtulungan sa Pilipinas lalo ngayong patuloy na kinakaharap ng bansa ang epekto ng coronavirus pandemic.
“It was agreed that one immediate priority will be to support the Philippines’ socio-economic recovery from the COVID-19 crisis,” ani ng EU.
Ang Sub-Committee on Development Cooperation ay nilikha noong Enero 28, 2020 sa Brussels Belgium sa pamamagitan ng PH-EU Joint Committee Meeting sa ilalim ng Philippines-EU PCA.
Pinangunahan ang pagpupulong nina Mr. Mario Ronconi, Head of Unit for South- and South East Asia at the Directorate General for International Partnerships of the European Commission at Department of Finance Undersecretary Mark Dennis Y.C. Joven.
Nakibahagi rin sa pulong sina Finance Secretary Carlos Dominguez at European Union Ambassador to the Philippines Luc Veron.