31,282 total views
Itatalaga ng Archdiocese of Davao ang buong Pilipinas sa kalinga ng Kalinis-linisang Puso ni Maria.
Sa liham sirkular ni Archbishop Romulo Valles inatasan nito ang mga parokya at public chapels sa pag-usal ng mga panalangin ng pagtatalaga sa January 1, 2024 kasabay ng Dakilang Kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos.
“Together let us entrust our country to the maternal intercession and protection of the Blessed Virgin Mary, our Mother,” bahagi ng mensahe ni Archbishop Valles.
Bahagi ng panalangin ang kahilingang ipadama ang makainang pagkalinga lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng mundo kung saan nahaharap ang sangkatauhan sa iba’t ibang hamon ng buhay.
Dadasalin ang Prayer of Consecration to Mary Immaculate pagkatapos ng Panalangin ng Pakikinabang sa misa ng December 31 at sa lahat ng misa ng January 1, 2024.
Matatandaang nitong May 13, 2023 nang italaga ang buong Pilipinas sa Mahal na Birhen kasabay ng pagdiriwang sa kapistahan ng Birhen ng Fatima.
Makailang beses ding pinangunahan ng Santo Papa Francisco ang pagtatalaga ng mundo sa Mahal na Birheng Maria sa natatanging intensyon na mawakasan ang mga digmaang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng daigdig tulad ng Ukraine, Russia, Yemen, Israel at Gaza.