17,934 total views
Dismayado ang Federation of Free Workers (FFW) sa muling pagkasama ng Pilipinas sa top 10 most dangerous countries for workers na listahan ng Global Rights Index para sa taong 2024.
Ayon sa International Trade Union Confederation (ITUC), resulta sa mga pag-uulat at datos mula sa Pilipinas hinggil sa paniniil at pagpatay sa mga labor leader at mga miyembro.
Kaugnay nito, muling umapela si FFW National President Sonny Matula ng katarungan at pagsusulong ng mga batas at polisiyang nagbibigay proteksyon sa mga manggagawa.
““Nananawagan kami kay Pangulong Ferdinand Marcos at Labor Secretary Bienvenido Laguesma na bigyang-prayoridad ang proteksyon ng ating mga manggagawa at agad na gumawa ng mga hakbang upang alisin ang Pilipinas sa listahan ng ITUC ng pinakamasasamang bansa para sa mga manggagawa,” ayon sa mensahe ni Matula na ipinadala sa Radio Veritas
Kasama ng Pilipinas sa listahan ang mga bansang Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Guatemala, Myanmar, Tunisia at Turkiye sa hindi magkakasunod na bilang.
Sa Pilipinas, umaabot na sa 72-labor leaders at member ang napatay simula noong 2016 na hindi pa rin ng nabibigyan ng katarungan.
“Mahalagang maibalik natin ang tiwala sa ating mga institusyong pangpaggawa at ipakita ang ating pangako sa pagtataguyod ng mga karapatang pantao at paggawa,” Ayon pa sa mensahe ni Atty.Matula.
Nakasaad sa katuruan ng Laborem Exercens ni Saint John Paull II na responsibilidad ng mga employers at pamahalaan na isulong sa anumang pagkakatoan ang dignidad at kaligtasan ng mga manggagawa sa trabaho.