8,912 total views
Inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na magpapadala ang Pilipinas ng 114 personnel bukas upang tumulong sa search and rescue operations sa Myanmar matapos ang 7.7 magnitude na lindol na yumanig sa bansa.
Ayon kay Usec. Castro, mabilis na pinapakilos ng pamahalaan ang mga kinakailangang tulong upang suportahan ang mga karatig-bansa sa panahon ng sakuna.
“Nagmo-mobilize na po ng ating mga resources, para agad na makatulong sa ating mga karatig-bansa. Bukas nga po ang tentative travel deployment ng ating mga kumakatawan…ang grand total po ay 114 personnel ang ating ipapadala,” ayon sa pahayag ni Usec. Castro.
Ang mga personnel na ipapadala ay mula sa Department of Health (DOH), Urban Search and Rescue Team, Armed Forces of the Philippines (AFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at APECS.
Bukod sa agarang pagtugon sa Myanmar, binigyang-diin din ni Usec. Castro ang kahalagahan ng paghahanda maging loob ng bansa.
Nanawagan siya sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na magsagawa ng earthquake drills at paigtingin ang kanilang kahandaan sa ganitong uri ng sakuna.
Hinimok din niya ang mga opisyal ng gusali na magsagawa ng masusing inspeksyon at higpitan ang pagbibigay ng building permits upang matiyak ang tibay ng mga istruktura laban sa lindol.
“Maliban sa gobyerno, tayong mga Filipino ay magtulungan sa paghahanda,” aniya, na nagpaalala sa lahat na ang kaligtasan ay responsibilidad ng bawat isa.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga ahensya ng gobyerno sa mga otoridad sa Myanmar upang matiyak ang maayos at mabilis na deployment ng mga tauhang Pilipino na tutulong sa disaster response efforts.