168 total views
Inihayag ng Obispo ng San Carlos Negros Occidental na nahaharap sa tunay na krisis ang bansa na umaapekto sa mamamayan.
Ayon kay Bishop Gerardo Alminaza, dapat harapin ng mamamayan ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa na nagpapahirap sa mga Filipino upang makahanap ng mga hakbang na masugpo at mapigilan ang paglawak ng epekto nito sa lipunan.
“We are dealing with real-life crises and there’s a need for urgency over the country’s “emergency situation,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Alminaza.
Umaasa ang Obispo na mamulat at mabahala ang mamamayan sa laganap na paglapastangan sa kalikasan gayundin sa lipunan.
Tinukoy din ni Bishop Alminaza ang pagsasawalang bahala sa ispiritwal at moral values tulad ng mga pagpaslang na nagaganap sa kampanya kontra iligal na droga, mga human right defenders, environmentalist at mga magsasakang iniuugnay sa rebeldeng grupo.
Ipinagdarasal ni Bishop Alminaza na hindi makasanayan ng mga Filipino ang mga karahasan sa bansa at magtulungan sa paghahanap ng mga pamamaraang malutas ang suliranin.
“We cannot just live as if it’s business as usual, we should always be on our toes, always trying to respond to the emergency situation,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Inihayag ng Obispo na sa halip pagtuunan ang mga tsismis sa pamayanan tulad ng nagaganap sa showbiz industry ay mas mahalagang talakayin ng mga Filipino ang problema sa sektor ng agrikultura at ang naluluging mga magsasaka bunsod ng Rice Tariffication Law.
“The Philippines is currently “under a state of emergency” and it demands concrete actions from the future shepherds of the Church,” hamon ni Bishop Alminaza sa mga seminarista.
Ang pagninilay ng Obispo ay kasabay ng pagsasagawa sa ika – 12 Gathering of Theology Seminarians in the Visayas na ginanap sa Sancta Maria Mater et Regina Seminarium (SMMRS) Cagay Roxas City.
Hamon pa ng pinuno ng CBCP – Episcopal Commission on Seminaries sa mga seminarista na ipagpatuloy ang paghahangad na maging pari at maging kaisa sa misyon ni Hesus na buong katapatang ipalaganap ang mabuting balita sa kapwa.
Dumalo sa pagtitipon ang halos 300 seminarista mula sa Sancta Maria Mater et Regina Seminarium sa Capiz, St. Joseph Regional Seminary (SJRS) ng Jaro, Seminario Mayor de San Carlos (SMSC) ng Cebu at St. John the Evangelist School of Theology (SJEST) ng Palo Leyte.