619 total views
Nagagalak ang kinatawan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Pilipinas dahil nangunguna ang bansa sa may pinakamaraming bininyagan.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, patuloy na yumayabong ang pananampalatayang kristiyano sa bansa at higit na namunga makalipas ang limang sentenaryo.
“I am glad to share that the Philippines has the highest number of baptisms in 2020 compared to other places in the world. A living testament of faith in the 500 years of Catholicism in the country,” pahayag ni Archbishop Brown sa panayam ng Radio Veritas.
Sa nakalap na datos ng Apostolic Nunciature mula sa Statistical Yearbook of the Church 2020 (most recent edition) naitala ng Pilipinas ang 1,603,283 bininyagan.
Ibinahagi ni Archbishop Brown ang nasabing datos kasabay ng pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon nitong April 17, 2022.
Aniya, malaking biyaya ito para sa mga Pilipino na nagsusumikap ipahayag ang pananampalataya sa mga komunidad na kinabibilangan sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap bunsod ng pandemya.
Kasunod ng Pilipinas ang Mexico na may 1,537,710; Brazil na may 1,126,152 habang 1,533,666 sa Europa o pinagsamang halos 50 mga bansa.
Matatandaang sa mensahe ni Pope Francis sa pagdiriwang ng 500YOC pinasalamatan nito ang mga Pilipino sa pagiging ‘smuggler of faith’ sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa pamamagitan ng mga Overseas Filipino Workers.
Una nang pinalawig ng santo papa ang paggawad ng plenary indulgence sa Pilipinas hanggang sa December 31, 2022 bilang pasasalamat sa 500 Years of Christianity.