151 total views
Pagkakataon na ng Pilipinas na magkaroon ng malayang polisiya sa dayuhang kalakalan. Ito ang inihayag ni Asian Institute on Management (AIM) Assistant Finance adviser Prof. Gary Olivar matapos na ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkalas nito sa Amerika.
Sinabi ni Olivar na kailangan itong patunayan ng Pangulo lalo’t noong nakaraang administrasyon ay dumipende na halos sa Amerika at umabot na rin sa puntong naisasakripisyo na ang soberanya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatatag ng ugnayan sa karatig rehiyon sa Asya tulad ng China.
“Nagpapahiwatig siya na magkakaroon tayo ng more independent foreign policy. Ngayon ang pinakamaganda niyang gawin at sabihin kaugnay nito ay magpatunay na yung characteristics ng ating dating foreign policy ay yung masyadong dependent tayo sa Amerika. Yun po yung una niyang kailangan tanggalin at baklasin upang simula ng maging independent ang patakaran natin sa abroad. Lalong – lalo na kailangan niyang kumbinsihin ang mga Chinese na sinsiro siya sa ganitong objective,” pahayag ni Prof. Olivar sa panayam ng Veritas Patrol.
Ipinaliwanag ng ekonomista na matatag na ang pakikipag kalakalan ng bansa sa Tsina lalo’t nakahingi na ng $13 bilyong dolyar na puhunan para sa pag-angkat ng produktong lokal ng bansa.
“Alam naman po natin na ang China na ang pinakamalaki nating partner sa investment, sa trading at sa financing. On investment side $13 billion dollars na ang hiningi ni Pangulo mula sa kanila. On the financing side magtatayo na po ang China ng tinatawag nilang Asian Construction Investment mas malalapitan po natin sila sa pangangailangan natin. And all the same alam naman natin marami pong ina-angkat mula sa China at marami tayong ipinapadala sa China,” giit pa ni Prof. Olivar sa Radyo Veritas.
Gayunman, nauna na ring sinabi ng ilang dalubhasa ang pangunahing pakay ng US sa Asya-Pasipiko ay ang pagpoprotekta sa South China Sea kung saan dumadaan ang 55 porsiyento ng lahat ng trade vessels sa buong mundo.
Nauna na ring binanggit ng kanyang Kabanalan Francisco na mahalagang pahalagahan ng mga bansa ang kanilang pakikipag dayalogo sa mga karatig rehiyon para sa kabutihang pangkalahatan.