349 total views
Nararapat na magpasalamat ang mamamayan sa Diyos sa biyaya ng kalayaang ipinagkaloob sa bansa.
Sa mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, binigyang diin nito na ang tunay na Kalayaan ay bahagi ng ganap na buhay na dulot ni Hesus.
Sa kabila nito, ikinalulungkot ni Cardinal Tagle ang pagkaalipin ng lipunan sa iba’t-ibang uri ng bisyo, droga, corruption, pera, luho at karahasan.
“Nagpapasalamat tayo sa Dios sa biyaya ng kalayaan. Ang tunay na kalayaan ay bahagi ng ganap na buhay na dulot ni Jesus (Juan 10:10). Salamat din sa pagpupunyagi ng mga dakilang Pilipino at Pilipina na nagpamana sa atin ng kalayaan. Subalit nakalulungkot tanggapin na laganap pa rin ang pagkaalipin sa bisyo, droga, korupsyon, kapangyarihan, pera, luho at karahasan.” bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Bukod sa pagkilala sa mga bayani sa bansa ay nakiisa din ng Cardinal sa pamilyang humihiling ng katarungan sa mga biktima ng pamamaslang sa lipunan kung saan pinakahuling biktima ay si Rev. Fr. Richmond Nilo, 44 taong gulang na pari ng Diocese ng Cabanatuan na pinaslang ng hindi pa nakikilalang salarin sa Altar ng Nuestra Señora dela Nieve sa Mayamot Zaragosa Nueva Ecija noong Linggo ika – 10 ng Hunyo.
“Ang pinakahuling biktima ay si Fr. Richmond Nilo ng Cabanatuan at sana’y hindi na masundan. Tumatangis tayo para sa kanila, sa kanilang pamilya at sambayanan. Humihingi tayo ng katarungan para sa kanila.” dagdag pa nito.
Panawagan din ni Cardinal Tagle sa mamamayan ang paghingi ng tawad sa Diyos sa mga kasalanan laban sa buhay at huwag sumunod sa makamundong emosyong makapanakit sa kawpa.
Hinihikayat ng Kardinal ang patuloy na pagpapatunog ng mga kampana sa mga simbahan tuwing alas-otso ng gabi bilang pag-alala at pag-aalay ng panalangin sa mga pumanaw na higit lalo ang mga biktima ng karahasan at pagpaslang sa lipunan.