255 total views
Nawawalan ng moral at legal credibility ang bansa na maisalba ang mga Pilipinong nasa death row sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ito ang naging pahayag ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa pagsusulong ng death penalty sa bansa na naging dahilan ng kabiguan na maisalba ang buhay ng Overseas Filipino Worker o OFW na si Jakatia Pawa sa Kuwait.
“Panawagan na kung saan talikuran na ang kanilang inaasam – asam na isulong ang death penalty. Sapagkat ito rin ay malaking kawalan sa atin na kung saan may nasa bingit ng kamatayan tapos dito sa Pilipinas tayo mismo ang nagdudulot ng kamatayan sa mga nasa bilanggo at napipiit wala tayong magiging moral authority, wala tayong legal authority.” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Kaugnay nito, nanawagan si Bishop Santos na panahon na upang ilunsad ang isang inter-agency na tututok sa kalagayan ng iba pang mga OFWs na nahaharap sa parusang kamatayan at maibalik sila ng mapayapa sa kanilang mga pamilya.
“Let us exhaust all the means for that we can free them, we can save them and we can bring them safely back home,” giit pa ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid mula sa datos ng Department of Foreign Affairs nasa 88 pa ang mga OFWs na nasa death row bagamat sinasabi ng Migrante International na mahigit sa 120 pang mga OFWs ang maaring nasa death row sakaling sila ay mahatulan na ng kamatayan.
Bagaman Muslim, nagpa – abot na rin ng pakikidalamhati si Bishop Santos sa mga naulila ni Pawa lalo na ang kaniyang dalawang anak na binigyan naman ng kaukulang scholarship program ng pamahalaan.
“Anuman ang ating religion at anuman ang ating region na pinanggalingan tayo ay isa pa rin, tayo ay Pilipino at nasa damdamin ng mga Pilipino ang magmalasakit alang – alang sa kanilang minamahal,” pakikidalamhati ni Bishop Santos.
Magugunitang hinatulan si Pawa ng parusang kamatayan matapos niya umanong mapatay ang anak na babae ng kanyang amo noong 2007 subalit itinanggi ito ng OFW at iginiit na ang kanyang amo ang pumatay matapos mahuling nakikipagtalik sa kanyang boyfriend.