1,862 total views
Pinuri ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula si Sebastian Esai Eco Eviota ang ikalawang Pilipinong napabilang sa hanay ng Swiss Guards na nangangalaga sa seguridad ng Santo Papa sa Vatican.
Itinuring ni Cardinal Advincula na isang tanda ng malawak na pagmimisyon ng mga Pilipino ang pagkakabilang ni Eviota sa mga nagbibigay proteksyon sa pinunong pastol ng simbahang katolika.
“Truly, wherever there are Filipinos, the Church is so much vibrant there; ang paglilingkod ni Sebastian ay patunay ng malawak na gawaing misyonero ng mga Pilipino sa simbahan,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Kinilala ng arsobispo ang pagiging malapit ni Eviota sa simbahan sapagkat bago ito mapabilang sa Swiss Guards ay aktibo na ito sa mga gawaing simbahan sa Pilipinas hanggang lumipat sa Switzerland noong 2009 at naging bahagi sa Youth for Christ.
Tinukoy din ni Cardinal Advincula ang isa pang Pilipino na si Swiss-Filipino Vincent Luthi na unang napabilang sa Swiss Guards kung saan ang ina ay tubong Cebu.
Batid ng cardinal ang sakripisyo ng mga Pilipinong nangingibang bansa para sa pamilya at kinilala ang tungkuling tagapaglaganap ng mabuting balita sa bawat komunidad na kinabibilangan.
“Hindi lang sila naghahanapbuhay, ang mga kababayan ang mga makabagong misyonero sa ibayong dagat,” ani ng cardinal.
Sa katatapos na pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng Pilipinas nakatuon ang tema nito sa ‘Gifted to Give’ bilang hamon sa bawat binyagang kristiyano na makibahagi sa pagmimisyon sa pagpapalaganap at pagpapatatag ng pananampalatayang kristiyano.
Si Eviota at Luthi ay patunay na nanatiling aktibo ang mga Pilipino sa pagmimisyon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Ginanap ang pagtalaga sa 23 Swiss Guards noong May 6, 2023 sa Courtyard of Saint Damasus sa Vatican kasabay ng paggunita sa kabayanihan ng 147 Swiss Guards na nasawi sa pagtatanggol kay Pope Clement VII noong Sack of Rome taong 1527.