1,229 total views
Muling hinikayat ng mga Pilipinong pari sa Roma ang mananampalataya na patuloy na mag-alay ng panalangin para sa kay Pope Emeritus Benedict XVI.
Ipinagpapasalamat din ng Simbahan ang balita na kasalukuyang nasa stable condition na ang dating pinuno ng Simbahan bagama’t patuloy ang panghihina dahil sa karamdaman at katandaan.
Tiwala si Fr. Greg Gaston, Rector ng Pontificio Colegio Filipino sa Roma na patuloy na makiisa ang mga Filipino sa pananalangin bilang pakikiisa sa dating Santo Papa.
“Kaya, patuloy tayo na ipagdasal natin si Pope Emeritus Benedict XVI at sana ay bigyan siya ng lakas ng Panginoon,” ayon kay Fr. Gaston.
Si Pope Emeritus Benedict XVI ang naging kahalili ng noo’y si Pope John Paul II na pumanaw noong 2005.
Namuno naman si Benedict XVI sa loob ng walong taon, hanggang sa kanyang pagbibitiw sa tungkulin dahil na rin sa panghihina ng kalusugan taong 2013.
Sa ilalim ng panunungkulan ni Benedict XVI, may 90 cardinal ng Simbahan ang hinirang sa limang consistories.
Kabilang naman si dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa huling anim na cardinal na hinirang ni Benedict XVI sa kaniyang pamumuno bilang pinakamataas na opisyal ng simbahan.
Ang Filipino Cardinal ay itinalaga sa ginanap na consistory noong 2012 at kasalukuyang nakabase sa Roma makaraang hirangin naman ni Pope Francis sa ilang mga tanggapan sa Vatican kabilang na ang Dicastery for Evangelization.