270 total views
Mga Kapanalig, sa bisa ng Republic Act No. 11259 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Abril 5, hinati ang probinsya ng Palawan sa tatlo: Palawan del Norte, Palawan Oriental, at Palawan del Sur. Samantala, magiging hiwalay na siyudad ang Puerto Princesa dahil isa itong highly urbanized city.
Para sa mga lokal na pulitiko ng probinsya na nagsulong ng naturang batas, makatutulong ang paghahati ng probinsya upang gawing mas mabilis daw ang paghahatid ng serbisyo at mga programa. Magbubunsod din daw ito ng higit na pag-unlad ng bawat probinsya. Dahil mas marami nang distrito, mas mapakikinggan din daw ng pamahalaan ang mga mamamayan. Wala raw itong halong pulitika.
Hindi ganito ang paniwala ng mga lokal na organisasyon katulad ng Save Palawan Movement. Para sa kanila, malinaw na pulitika ang nasa likod ng paghahati ng isa sa malalakíng probinsya sa Pilipinas. Papabor daw ang mas maraming probinsya at distrito sa mga pulitikong nais kontrolin ang probinsya para sa kapakinabangan ng kani-kanilang angkan at pamilya. Giit pa ng Save Palawan Movement, hindi raw ito ang angkop na tugon sa mahinang pamamahala, katiwalian sa lokal na pamahalaan, at hindi maayos na pangangasiwa ng likas na yaman ng Palawan. Bukod dito, hindi man lang daw kinonsulta ng mga mambabatas na nagsulong ng paghahati ng probinsya ang mga mamamayan ng Palawan. Lubhang malaki rin daw ang sasayangin na pondo para isagawa ang plebisito upang pagpasyahan ang isang batas na hindi naman hiningi ng mga Palaweño. At tiyak na malaki rin ang gagastuhin upang itatag ang tatlong kapitolyo at mga opisina sakaling paboran ng mga taga-Palawan ang paghahati ng probinsya. Higit pa rito, sinasabi ring pabor sa China ang paghahati ng Palawan dahil kaya na nitong impluwensyahan ang mas maliliit na probinsya upang makuha ang kontrol sa mga isla sa West Philippine Sea.
May kasabihan ngang, “If it ain’t broke, don’t fix it.” Kung walang sira ang isang bagay, hindi ito kailangang kumpunihin. Kung maayos namang napapamahalaan ang Palawan bilang isang probinsya, hindi ito kailangang hatiin sa mas maraming probinsya. O kung may nakikitang mga pagkukulang sa kung paano pinamamahalaan ang Palawan bilang isang probinsya, hindi ang paghahati-hati sa teritoryo ang kailangan kundi mga pinunong may kakayahang pamunuan at paglingkuran ang mga Palaweño. Walang malaki o maliit na probinsya sa magagaling at matitinong lider. Kaya hindi masisisi ang mga grupong tutol sa paghahati ng Palawan kung ang nakikita nilang motibasyon sa likod nito ay upang magkaroon ng mas maraming pagkakataon ang mga political dynasties na maghari at manatili sa kapangyarihan—gerrymandering ang tawag dito sa Ingles.
Ipinakikita sa nangyaring ito sa Palawan ang lantarang pagsasantabi sa mga mamamayan sa pagtalakay at pagpapasya sa isang usaping malaki ang epekto sa kanilang buhay. Kung walang pakikilahok ang mga mamamayan sa proseso ng pagpapasya—bagay na pinahahalagahan sa mga Catholic social teaching—nagiging huwad ang pagbabago sa lipunan; hindi ito magiging pangmatagalan. Kung hindi pinakikinggan ng mga lider ang boses ng mga mamamayan, inaalisan nila sila ng tungkuling makibahagi sa lipunang kanilang kinabibilangan, at paglabag ito sa kanilang dignidad bilang mga tao. Ang pakikilahok ng mamamayan ay pagkilala sa biyaya ng kalayaan at pananagutang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isang tao.
Ngunit hindi pa huli ang lahat para sa mga kababayan natin sa Palawan. Malalaman natin ang kahahantungan ng batas na ito sa Mayo 2020 kung kailan isasagawa ang plebisito, at pagkakataon iyon para sa mga Palaweño na iparinig ang kanilang tinig sa mga pulitikong pinaghahati-hatian ang kanilang paraiso, ang napakaganda at napakayamang isla ng Palawan.
At dasal natin, mga Kapanalig, ang kaliwanagan sa isip ng mga Palaweño upang maipakita nilang sa kanila nagmumula ang kapangyarihan ng kanilang mga pinuno.
Sumainyo ang katotohanan.