22,041 total views
Mga Kapanalig, sa pagsusumite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Senado ng General Appropriations Bill dalawang Sabado na ang nakararaan, iginiit ni House Speaker Martin Romualdez na “categorically abolished” na ang pork barrel o discretionary funds ng mga mambabatas.
Ang pork barrel ay tumutukoy sa pampublikong pondong ibinibigay sa mga congressman at senador, gayundin sa ibang opisyal ng gobyerno, para sa mga proyektong gusto nilang pagkagastusan. Kaya ito discretionary; bahala na ang tumatanggap ng pondo kung saan-saan niya gagastusin ang alokasyon niya. Ang alokasyong ibinibigay sa mga mambabatas ay tinatawag noong Priority Development Assistance Fund o PDAF.
Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema ang PDAF na unconstitutional o labag sa ating Saligang Batas. Wala raw itong kinalaman sa oversight function o trabaho ng mga mambabatas na subaybayan ang ginagawa ng ibang sangay ng pamahalaan. Abuso rin daw sa kanilang kapangyarihan ang pagtutukóy nila ng mga proyektong paggagamitan ng kanilang PDAF.
Ayon kay Speaker Romualdez, tumatalima ang Kongreso sa desisyong ito ng Kataas-taasang Hukuman. Ngunit kabaligtaran nito ang ipinahiwatig kamakailan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa isang TV interview, sinabi ng dating presidenteng “unlimited” ang pork barrel sa Mababang Kapulungan. Kung siya ang tatanungin, dapat din daw ipa-audit si Speaker Romualdez at lahat ng kongresista upang malaman kung paano nila ginastos ang perang mula sa ating buwis. Tinawag pa niya ang Kongreso na “most rotten institution” o pinakabulok na institusyon sa bansa.
Mabigat ang paratang na ito mula sa isang dating lider na hindi kailanman isinapubliko ang kanyang assets, liabilities, at net worth habang nanunungkulan siya. Bilang isang pribadong mamamayan na ngayon, karapatan ng dating pangulo na magbigay ng opinyon sa mga bagay-bagay. Ngunit ang opinyong hindi nakabatay sa malinaw na ebidensya o layon lamang na manira ay ingay lamang.
Makatutulong din sigurong alamin kung paano pinahalagahan ng nakaraang administrasyon ang integridad at katapatan ng mga lingkod-bayan, lalo na ng mga mambabatas. Ano ang naaalala nating kahanga-hangang ginawa ng mga kongresista noong panahon ni dating Pangulong Duterte? Gaano kakampante ang dating presidente na naging malinis ang Kongreso sa ilalim ng kanyang administrasyon? Magiging bukás din ba siyang ipaalam ng kanyang anak na si Vice President Sara kung paano ginastos ng kanyang opisina ang 125 milyong pisong confidential funds sa loob lamang ng labing-isang araw?
Sa isang demokrasya, mahalaga ang integridad ng mga institusyon. Maging ang Santa Iglesia ay naninindigang binabaluktot ng katiwalian ang papel ng mga institusyong binubuo ng mga hinirang na kinatawan ng taumbayan. Pinakakonkretong halimbawa ng institusyong ito ang Kongresong binubuo ng mga pinili nating maging boses sa paggawa ng mga batas at pagpapasya kung paano gugugulin ang pera ng bayan. Bagamat laging nariyan ang tuksong gumawa ng katiwalian ang mga taong bumubuo at nagpapatakbo ng mga institusyong ito, manaig sana ang paalala sa Exodo 23:8: “[Ang katiwalian] ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.”
Gayunman, mga Kapanalig, ang mga tiwali sa gobyerno—may PDAF man o wala—ay gagawa at gagawa ng paraan upang mapakinabangan ang kapangyarihang tangan nila para sa sariling interes. Papaikutin nila ang batas o gagamit sila ng mga koneksyon upang makapagnakaw at maitago ito sa mata ng publiko. Patunayan sana ng kasalukuyang administrasyon—lalo na ng Kongreso—na hindi nabubulok ang mga institusyon ng pamahalaan. Patunayan nilang mali ang paratang ng sinundan nilang mga pinuno. Para sa mga dating lider naman, pagnilayan nawa nila ang kanilang mga ginawa upang linisin ang gobyerno. Wika nga sa Mateo 7:3: “Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata?”
Sumainyo ang katotohanan.