3,639 total views
Ang Mabuting Balita, 24 Pebrero 2024 – Mateo 5: 43-48
PINAKAMAHUSAY NA BERSYON
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”
————
Ang pinagagawa sa atin ni Jesus ay hindi mga pangkaraniwang bagay, tulad ng ibigin ang ating mga kaaway at idalangin ang mga umuusig sa atin. Napakahirap gawin ang mga ito sapagkat may ugali tayong kamuhian ang ating mga kaaway at hindi ipanalangin ang mga umuusig sa atin. May mga iba nga sa atin, ang pinapanalangin ay maparusahan ang mga kaaway at mga umuusig.
Bakit ito pinagagawa ni Jesus sa atin? Isipin na lang natin ang isang pamilya kung saan ang mga anak ay kabaliktaran ng ama nilang napakabuti. Isipin natin ang kaguluhan! Isipin natin ang mundo na walang mga Kristiyano na ayon sa 2010 populasyon ng mundo ng 6.9 billion ay 31% nito. Marahil ang mga kaguluhan at digmaan ay mas malala kaysa ngayon. Marahil ang kriminalidad at imoralidad ay nasa sukdulan na. Ito ang dahilan kung bakit sa Mateo 5: 38, si Jesus ay hindi sang-ayon sa kaugaliang “mata sa mata” at “ngipin sa ngipin.”
Ang maging totoong Kristiyano ay hindi lamang tungkol sa pagiging mabuti. Ito ay ang pagiging PINAKAMAHUSAY NA BERSYON NG ATING SARILI. Ito ang ibig sabihin na tayo ay nilikhang kawangis ng Diyos. Ito ang bersyon na magdadala ng kapayapaan at pagkakaisa sa mundo, at magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan!
Panginoong Jesus, bigyan mo kami ng lakas at inspirasyon na mahalin ang aming mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa amin!