1,497 total views
Binuksan ng Caritas Manila Scholars Association (CAMASA) ang art exhibit para sa programang pang edukasyon ng Caritas Manila – social arm ng Archdiocese of Manila.
Ayon kay CAMASA National President Susan Red-Gomez layunin ng ‘Pinta ng Bukas The Heartful Project’ ay makalikom ng karagdagang pondo para tustusan ang mga kabataang scholar ng Caritas Manila.
“Ang talagang goal namin dito ang makapagpaaral, makalikom ng sapat na pondo para itustos namin at itulong namin sa Caritas Manila para sa mga scholars sa next school year wherein that we will be able to help Caritas Manila to at least fund a P10-Million for the scholarship program,” pahayag ni Gomez sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang diin ni Gomez na bilang dating scholar ng simbahan sinisikap ng alumni scholars na matulungan ang iba pang kabataang matupad ang pangarap sa pamamagitan ng pagtatapos sa pag-aaral.
Matatagpuan sa Glorietta Activity Center sa Makati City ang art exhibit na magtatagal hanggang November 30 kung saan tampok ang iba’t ibang likhang sining mula sa mga kabataang artist sa buong Pilipinas.
Kinakailangang makalikom ng mahigit sa 100-milyong piso kada taon ang Caritas Manila para tustusan ang pag-aaral ng limang libong kabataan sa kolehiyo at technical vocational courses.
Ayon naman kay Caritas YSLEP Alumnus at Bohemian Coffee Artist Rens Tuzon, ang pagbibigay kaalaman sa mga kabataan tungkol sa pagpipinta ang kanyang paraan ng pagbabalik handog.
Giit ni Tuzon na ang pagpipinta ay nagbibigay sigla para sa kinabukasan tulad ng gawain ng Caritas Manila na nagsusumikap matulungang mabigyang pag-asa ang mamamayan sa pamamagitan ng edukasyon na susi sa pag-ahon sa kahirapan.
“Iba ang essential ng art, talagang it’s hope, it reflects life; may buhay talaga siya, everywhere there’s an art. Yung ginawa ng Caritas Manila na advocacy and I am very proud na produkto po akong Caritas Manila (YSLEP) and at the same time this is our way of paying back yung aming success na isi-share namin sa kabataan ngayon through art,” ani Tuzon.
Nais ng Caritas Manila na mapalawak pa ang education program ng institusyon at madagdagan ang kasalukuyang 5,000 scholar sa buong bansa.
Naniniwala si Caritas Manila Executive Director Fr. Anton Pascual na ang edukasyon ang social equalizer na makatutugon sa lumalalang kahirapan at kagutuman sa Pilipinas.
Dumalo sa opening ng Pinta ng Bukas art exhibit si Caritas Manila at National Shrine and Parish of the Sacred Heart Fr. Moises Ciego, Makati Ctiy Representative Kid Peña, mga kinatawan ng Glorietta Mall, at mga kasapi ng CAMASA.
Inaanyayahan ng CAMASA ang mamamayan na bisitahin ang art exhibit at suportahan ang programa para sa edukasyon ng mga kabataan.