156,180 total views
Mga Kapanalig, noong kasagsagan ng pandemya, naging matunog na salita ang “ayuda” o ang pinansyal na tulong na natanggap mula sa pamahalaan ng mga naapektuhan ng malawakang lockdown. Kahit tila balik na tayo sa normal na pamumuhay, nagpatuloy ang pamamahagi ng gobyerno ng ayuda sa ilalim ng iba’t ibang programa nito. Pangunahing benepisyaryo ng mga ito ang mahihirap nating kababayan.
Mayroon naman tayong Pantawid Pamilya Para sa Pilipino Program o 4Ps na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (o DSWD). Matagal nang programa ito kung saan ang mga pamilya ay nakatatanggap ng ayuda kapalit ng pagtupad nila sa mga conditionalities ng programa. Dapat tiyakin nilang pumapasok sa eskwelahan ang mga bata at ang mga buntis naman ay dapat na regular na nagpapa-check-up. Required din silang dumalo sa mga Family Development Sessions kung saan tinuturuan sila ng iba’t ibang kaalaman upang magkaroon ng bagong pananaw sa buhay, ‘ika nga.
Nasa 4.2 milyong pamilya ang kasalukuyang nasa ilalim ng 4Ps. Nasa kalahating milyon naman ang naka-graduate na o maituturing na umahon na sa hirap mula nang magsimula ang programa noong 2007. Nakalulungkot lamang na sa huling datos ng DSWD, halos 800,000 na pamilya ang kinailangang ibalik sa programa matapos matuklasan ng ahensyang hindi pa sila handang mag-exit sa 4Ps.
Sa ilalim naman ng budget ng gobyerno ngayong 2024, may 26.7 bilyong pisong inilaan para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (o AKAP). Para naman daw ito sa mga pamilyang “near poor” o halos mahirap na. Mahalagang ayudahan sila upang hindi mabaon sa kahirapan. Sila ang mga pamilyang ang buwanang kita ay mas mataas sa tinatawag na poverty threshold ngunit hindi malayong maging mahirap kung walang dagdag na panggastos. Kasama rin sa kanila ang mga naka-graduate na sa 4Ps ngunit nangangailangan pa rin ng pag-alalay. One-time cash assistance na nagkakahalaga ng ₱5,000 ang tatanggapin daw ng mga magiging kuwalipikado sa AKAP. Tinatayang nasa 12 milyong pamilya ang maabutan ng ayudang ito.
Wala pang malinaw na guidelines ang DSWD kung paano ipatutupad ang AKAP, ngunit nababalot na ng kontrobersya ang programa bago pa ito magsimula. May mga senador kasing nagsabing posible umanong gamitin ang AKAP para sa isinasagawang people’s initiative. Pinangangambahan nilang matulad ang AKAP sa ibang programa para sa mga nangangailangan kung saan may mga pulitiko—lalo na ang mga kongresista—na dumadalo sa pamamahagi ng ayuda. Tila ipinalalabas nilang mula sa kanilang kabutihang-loob at inisyatibo ang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga benepisyaryo. Sa isyu ng people’s initiative, baka raw gamitin ang AKAP para makuha ang pirma ng mga botante.
Labag ito sa Konstitusyon, ayon kay dating Senador Panfilo Lacson. Aniya, ang trabaho ng mga mambabatas ay ang suriin ang pambansang budget bawat taon. Isasabatas nila ito bilang General Appropriations Act at bibigyang-awtoridad nila ang gobyernong gamitin ang pera ng bayan. Ang mga ahensyang nagpapatupad ng mga programang ito—hindi ang mga kongresista at senador—ang may tungkuling iparating ang tulong sa taumbayan. Gayunman, dagdag ng dating mambabatas, marami sa ating hindi nakikitang mali ito. Nagiging utang na loob pa nila ang ayudang natatanggap nila sa mga pulitiko, bagay na sinasamantala naman ng mga nais manatili sa poder.
Mga Kapanalig, bagamat sinabi na ng mga kongresistang walang basehan ang hinala ng mga senador, tiyakin pa rin dapat ng gobyernong hindi ginagamit sa pamumulitika ang mga programa nito para sa mahihirap. Tungkulin nitong tulungan at palakasin ang mahihirap, sabi nga ng mga panlipunang turo ng Simbahan. “Ang marapat na tulunga’y ang mahina at mahirap,” wika nga sa Mga Awit 82:4, hindi ang mga pulitikong personal na interes ang laging iniintindi.
Sumainyo ang katotohanan.